Mabilis na 2022 poll results ipaliliwanag ng Comelec

Mabilis na 2022 poll results ipaliliwanag ng Comelec

August 14, 2022 @ 9:51 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado na isusumite nito ang mga dokumentong nagpapaliwanag sa mabilis na transmission ng 2022 poll results sa Joint Congressional Oversight Committee (JCOC) sa susunod na linggo.

Kinumpirma ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na nakatanggap sila ng liham na humihingi ng paliwanag sa transmission speed mula sa mga poll watchdog group.

Sinabi ni Laudiangco na ang mga dokumento ay nasa poll commissioner na si Marlon Casquejo at ihahatid sa oversight committee pagkatapos ng pinal na pag-apruba ng commission en banc.

“Ang amin pong tugon dahil ito ay panghihingi ng datos na dapat naman ay idisclose ng Comelec, ito po ay buo naming ibibigay sa Joint Congressional Oversight Committee na siya pong nakaoversight sa automated elections at siya dapat tumanggap ng datos sa eleksyon,” sabi ni Laudiangco sa isang panayam sa radyo.

Hinihintay na lamang aniya ang pinal na aprubal ng commission en banc kaugnay sa tugon at final authorization para ilabas ang datos.

“Huwag po kayong mag-alala lahat po ng datos na kanilang hinihingi ay amin pong ibibigay hindi lamang sa kanila pati sa JCOC,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Laudiangco na dapat matanggap muna ng oversight committee ang mga dokumento, gaya ng nakasaad sa ilalim ng batas, at idinagdag na wala silang itinatago sa publiko.

“Ito po ang malinaw na mensahe ng commission en banc, wala pong tinatagong datos at ilalabas po lahat ito. Ito lamang po ay ibibigay sa kauna unahang forum na inauuthorize ng batas na JCOC, so sila po muna ang aming bibigyan ng mga datos na ito bago po ang ibang partido,” ani Laudiangco.

Sinabi ng Comelec na mabilis na naipadala ang election returns noong May 9 elections, kung saan 70 porsiyento ng returns ang naipadala sa loob ng tatlong oras.

Sinabi rin ni Laudiangco na kakaunti lang ang problema sa vote counting machines (VCMs) noong 2019 dahil medyo bago pa lang ang mga ito. Jocelyn Tabangcura-Domenden