Mabilis na pagtaas ng COVID cases sa Parañaque, Taguig ikinabahala

Mabilis na pagtaas ng COVID cases sa Parañaque, Taguig ikinabahala

July 9, 2022 @ 3:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Ikinabahala ng mga lokal na pamahalaan ng Parañaque at Taguig ang mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang mga lungsod.

Sa Parañaque City, umabot na sa 113 ang naitalang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod nitong Hulyo 7 na nadagdagan ng pitong kaso ng virus na naitala naman ng Hulyo 6.

Sa datos ng Parañaque City Health Office (CHO) ay mayroon nang kabuuang 51,698 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod habang 795 naman ang mga namatay sa virus.

Ang barangay na nakapagtala ng may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa lungsod ay pinangunahan ng Barangay BF Homes na may 21 kaso na sinundan ng tig-15 kaso ng mga barangay ng Don Bosco at San Antonio habang may tig-13 kaso naman ang mga barangay ng San Isidro at Merville.

Bagama’t mataas ang bilang ng kaso ng virus sa lungsod ay dalawang barangay naman ang naiulat na COVID-19 free na kinabibilangan ng mga barangay ng Barangay La Huerta at Barangay Sto. Nino.

Sa lungsod naman ng Taguig ay umabot na sa 376 aktibong kaso ang naitala ng City Health Office (CHO) kabilang na ang 82 naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Sa kabuuan ay nakapagtala ang lugnsod ng 84,532 kumpirmadong kaso kung saan 83,615 ay mga nakarekober na habang 541 naman ang mga namatay.

Ayon naman sa Department of Health (DOH), ang bilang ng BA.5 cases na nadiskubre sa bansa ay umabot na rin sa 233 indibidwal. James I. Catapusan