MABUTI NA LANG (2)

MABUTI NA LANG (2)

June 22, 2022 @ 8:43 PM 1 week ago


Samantala, mas nag-level up ang acting nila sa He’s Mine, lalo pa at may pagkadrama ang genre nila rito kaya mas lalo namang hina­ngaan ko sila. Pinagbidahan ito nina Allen Caguioa, Clark Blancaflor, John Robert Calara at Dave Layugan.

Dito na sumagi sa isip ko na i-search at i-add sila sa facebook ngunit hindi naman ako umasang i-accept pa nila ako dahil mga sikat sila. Datapwa’t masaya ako nang isa-isa nila akong i-accept at naka- chat ko na sila, hindi suplado at suplada. In short, mabait sila.

Bilang writer, reporter at columnist ay napaunlakan ako ng ilan sa kanila gaya nina Direk Ranz Gonzales, Clark Blancaflor at John Robert Calara ng interview at nagawan ko sila ng write up o article sa mga column ko sa dyaryong Remate at Operation Expose.

Simula noon, naging mas ma­dalas na ang pagcha-chat namin lalo ni Direk Ranz nang maghanap na siya ng bagong lokasyon ng shoo­ting sa Cavite kaya naman inugnayan niya ako para rito.

Umugnay naman ako kay Indang Municipal Tourism Officer Sir Marianito Nuestro at pinasamahan naman niya ako sa isa sa mababait niyang staff na si Sir Ernil Mojica Cervantes para puntahan ang ilang magagandang lugar o resort sa Indang. Sa pagkakataong iyon na­pagkatiwalaan na ako ni Direk Ranz na italagang Location Manager ng RAP Production.

Nagkuha ako ng pictures at vi­deos sa mga pinuntahan namin at ipinadala ko sa kanya, sa huli ang Villa Feliciana Farm, Resort and Hotel sa Brgy. Alulod at Kapitan Vergel Events Place and Camping Site sa Brgy. Calumpang Cerca sa Indang, Cavite) ang nagustuhan ni Direk Ranz. Personal nila itong binisita ilang araw matapos ang elek­syon 2022 at naganap na nga ang taping or shooting ng 18 days sa mga lugar na ito.

Masaya ako dahil sa wakas natuloy rin ang lahat at makikita ko na rin ng personal ang hinahangaan kong actors at actresses na dati ay napapanood ko lang subali’t mas naging masaya ako nang sabihin ni Direk Ranz na isasali niya ako sa cast at gagampanan ko ang isang karakter malapit o kapamilya ng bidang si Allen Caguioa.

Sa unang araw, ay sumalang na nga kami sa orientation at workshop with Direk Ranz Gonzales, Line Producer Mam Agnes “Tita A” Valencia na kilala sa showbiz industry dahil sa Regal, Viva  Star Cinema at ABS CBN, Direk Zack Padilla at Fight Scene Direk Win Cabigting.

Matapos iyon ay sumalang na ang lahat sa 18 araw na shooting na hindi ko malilimutan.