Maceda, Celis itinalagang Comelec commisioner

Maceda, Celis itinalagang Comelec commisioner

October 6, 2022 @ 7:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Ernesto Ferdinand Maceda Jr. bilang commissioner ng Commission on Elections (Comelec), ayon sa poll body nitong Huwebes.

Sinabi ni Comelec spokesman John Rex Laudiangco na muli namang itinalaga ng Pangulo si Commissioner Nelson Celis sa poll body.

Kinumpirma ng Malacañang, sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary, ang mga appointment sa Comelec.

“The Commission on Elections confirms its receipt of the appointment papers of Commissioner Ernesto Ferdinand P. Maceda, Jr. as ad interim COMELEC Commissioner, vice Chairman George Erwin M. Garcia in the latter’s previous appointment as Commissioner,” sabi ni Laudiangco .

“Likewise, we are in receipt of the reappointment papers of Commissioner Nelson Java Celis as ad interim COMELEC Commissioner, vice Aimee S. Torrefranca-Neri,” dagdag pa.

Parehong magsisilbi sina Maceda at Celis para sa isang terminong magtatapos sa Pebrero 2, 2029.

Dahil nakatanggap sila ng mga ad interim na appointment, ang parehong mga komisyoner ay maaaring umupo sa opisina habang nakabinbin ang kumpirmasyon ng Commission on Appointments.

Manunumpa sina Maceda at Celis sa harap ni Comelec Chairman George Garcia sa Lunes.

Sa pagkakatalaga ng dalawang komisyoner, kumpleto na ang seven-man Comelec en banc.

Noong Agosto, itinalaga ni Marcos si Celis, isang beteranong information technology expert at academician, sa Comelec ngunit ang huli ay nakatanggap ng regular na appointment na nangangahulugang hindi siya maaaring manungkulan hangga’t hindi siya kinukumpirma ng CA.

Si Celis ay kabilang sa mga Marcos appointees na na-bypass ng CA noong Setyembre.

Bago ang kanyang appointment, si Maceda ay naging lecturer at sa Ateneo Law School at Master of Laws thesis professor sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Nag-courtesy sina Maceda at Celis kay Garcia ngayong Huwebes ng hapon. Jocelyn Tabangcura-Domenden