Maceda, Celis nanumpa bilang Comelec commissioners

Maceda, Celis nanumpa bilang Comelec commissioners

October 10, 2022 @ 11:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nanumpa na sa tungkulin sina bagong Commission on Elections (Comelec) commissioner Ernesto Ferdinand Maceda Jr. at Nelson Celis sa harap ng poll chairperson na si George Garcia ngayong Lunes.

Nitong Huwebes nang ipahayag ng poll body na hinirang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Maceda at muling itinalaga si Celis bilang ad interim commissioners.

Pareho silang maglilingkod hanggang Pebrero 2, 2029.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Maceda na tutulong siya sa pagtugon sa mga isyu sa disposisyon ng mga kaso, paglilinis ng listahan ng mga botante, enfranchisement lalo na sa mga overseas contract workers, campaign finance, regulasyon sa social media, at pagpapalit ng mga kandidato, at iba pa.

“We should not be only as good as our latest accomplishments. For sustained reform, what we need is continuous review, capacity building, communications, strategy planning, and we prepare for our next great accomplishment,” sabi ni Maceda na tinutukoy sa “tagumpay” ng 2022 pambansa at lokal na halalan.

Binigyang-diin naman ni Celis, na isang beteranong information technology expert, ang kahalagahan ng digitalization sa mga halalan.

Sinabi ni Celis na naobserbahan niya ang transition ng eleksyon mula 2010,2016 at 2019 automated elections kumpara noong 2022.

Aniya mas maganda ang naging pamamalakad ng Comelec.

Ayon pa kay Celis, mula ngayon at sa hinaharap, ay lalo pang pagagandahin ang ating digitalization.

Sa pagkakatalaga Nina Maceda at Celis, nabuo na ang seven-man Comelec en banc. Jocelyn Tabangcura-Domenden