Madalas na pagbaha, asahan sa climate change – WWF

Madalas na pagbaha, asahan sa climate change – WWF

November 2, 2022 @ 6:42 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Asahan pa ang mas madalas na mga pagbaha dulot ng climate change.

Ito ang ibinabala ng environmental group na World Wide Fund for Nature (WWF) Philippines nitong Miyerkules, Nobyembre 2.

Ayon kay WWF climate change and energy program head Atty. Angela Consuelo Ibay, ang mga extreme weather events katulad ng bagyo at pagbaha ay malinaw na sanhi ng pagbabago ng klima.

“Pinag-aaralan nga ng mga siyentista at base sa mga latest po na mga reports nila, eh talagang yung dahilan ng pagbabago ng klima ay hindi lang dahil sa natural na pagbago ng mundo ‘no…pero ngayon ang nangyayari kaya siya nababago eh dahil nga umiinit na ang ating planeta,” ani Ibay sa panayam ng TeleRadyo.

“Ang karagatan natin umiinit na rin. So yung pag-init ng ating mga karagatan, ‘pag dumadaan po diyan yung bagyo, nagiging kumbaga pagkain siya para lalong lumakas yung bagyo,” dagdag pa niya.

Ito na rin umano ang new normal dahil sa lumalalang climate change at mas titindi pa kung hindi aagapan.

Dahil dito ay nagbigay ng suhestyon ang WWF ng mga pamamaraan ng publiko upang mapabagal ang paglala ng climate change.

“Yung pagtitipid ng kuryente, nakakatulong yan kasi ang ating kuryente ngayon e kadalasan nanggagaling yan sa pagbu-burn po ng fossil fuel tulad ng oil, coal and gas. Ang pag-burn niyan o pagsunog po ng fossil fuel nakakadulot po yan ng pag-init, dagdag na init sa ating kalikasan,” paliwanag ni Ibay. RNT/JGC