Madalas na pagdighay posibleng problema sa kalusugan

Madalas na pagdighay posibleng problema sa kalusugan

October 8, 2018 @ 7:41 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Ang pagdighay ay karaniwan na sa ating katawan.

Inilalabas kasi nito ang labis na hangin sa ating sikmura lalo na kung tayo ay busog dahil kung hindi ay magdudulot ito ng masamang pakiramdam.

Pero ang palaging pagdighay nang walang dahilan ay posibleng isang problema sa kalusugan.

Maraming dahilan ang pagdighay kaya posibleng ito ang rason kung bakit may mga oras na sunod-sunod ang iyong pagdighay.

Narito ang ilang rason:

  • Chewing gum
  • Palaging may candy sa bibig
  • Paninigarilyo
  • Mga inuming carbonated o softdrinks

Pwede ring mayroon kanang mga sakit na nagiging sanhi ng iyong madalas na pagdighay gaya ng mga sumusunod:

Hyperacidity – ito ay pagkakaroon ng sobrang acid sa sikmura. Ilan sa mga dahilan at pagkakaroon ng impatso, sobrang pagkain, pagkain na nakakapagbigay ng acid sa sikmura o kaya naman ay stress.

Kung ikaw ay madalas na uminom o kumain ng may lamang caffeine, ito ay posibleng magbigay ng mataas na asido sa sikmura. Ilan sa mga ito ay chocolate, kape, tsaa o tea, softdrinks at ilang maaasim na prutas at pagkain.

Cancer – Huwag agad mag-panic pero ilan sa sintomas ng stomach cancer o maging colon cancer ay ang palagiang pagdighay. Kapag kasi may cancer ka ay posible ring tumaas ang acid sa tiyan.

Ang labis na pagdighay kung minsan ay dahil naman sa pamamaga ng stomach lining o tinatawag na Gastritis, isang infection na dulot na bacteria na Helicobacter Pylori na pwedeng mauwi sa ulcer. Ang ibang pang sintomas nito ay heartburn at pananakit ng tiyan.

Pero mas makabubuti pa rin ang kumonsulta sa doktor para makasiguro. Lagi lang tandaan na ang mga masusustansyang pagkain at healthy lifestyle ang pinakamabuting paraan para maging malusog ang katawan at makaiwas sa sakit. (Remate News Team)