Mag-ama himas-rehas sa bala’t baril

Mag-ama himas-rehas sa bala’t baril

March 3, 2023 @ 4:22 PM 3 weeks ago


QUEZON, ISABELA – Himas-rehas ang mag-ama matapos na masamsaman ng bala’t baril sa isinagawang magkahiwalay na paghalughog o search warrant sa kanilang bahay sa bayan ng Quezon, Isabela.

Sa paghalughog sa bahay ni Ismael Marrero, 65 anyos, may-asawa, magsasaka at residente sa Barangay Aurora, Quezon, Isabela ay narekober ang isang yunit ng armscor caliber 45 na may serial number 911385 na may pitong bala na nakasilid sa Jansport sling bag sa loob ng Orocan rice container; isang ammunition box na naglalaman ng 42 live ammunitions ng caliber .45 pistol, 15 shell ng caliber 45 pistol at 10 live ammunitions ng caliber 9mm pistol na natagpuan sa durabox drawer at isang Airgun Rifle na nakita rin sa loob ng bahay nito.

Sabay ding hinalughog ang bahay ng anak na si Charlie Marrero, 41 anyos, magsasaka at residente naman ng Brgy. Callanguigan, Quezon, Isabela.

Tanging mga bala lamang ang nakuha sa paghalughog sa bahay ng batang Marrero.

Depensa ng mag-ama, ang mga nasamsam na bala’t baril ay kanilang gamit lamang sa tuwing sila’y nagpapatubig ng kanilang sakahan bilang mga armas at pandepensa sa sarili.

Sa panayam ng REMATE kay PMaj. Joseph Curugan, hepe ng Quezon Police Station ang mag-ama ay ilan ulit na rin umanong inirereklamo na nagpaputok ng kanilang baril at naghahamon sa tuwing nalalasing ang mga ito, hanggang sa lumabas ang kanilang search warrant ay hindi na nag-atubiling halughugin ang bahay ng mag-ama.

Nahaharap ang mag-ama sa kasong paglabag sa R.A. 10591 at pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya. Rey Velasco