Mag-ama natusta sa sunog

Mag-ama natusta sa sunog

December 22, 2022 @ 4:32 PM 2 months ago


Bulacan – Patay ang limang taong babae at ang kanyang ama nang sadyaing sunugin nito ang kanilang bahay sa bayan ng Pulilan.

Kinilala ang nasawing si Jeffrey Mijaro at ang kanyang limang taong anak na itinago sa pangalang “Angel”, residente ng Brgy. Sto. Cristo.

Sa report ng Pulilan police, naganap ang insidente bandang alas-9:50 ng gabi nitong Disyembre 20, sa Pulilan/Plaridel Diversion Road, Brgy. Sto. Cristo.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon at sa salaysay ng may-bahay na itago sa pangalang “Lyn”, nag-away sila ng kanyang asawang si Jeffrey na umano’y lasing tungkol sa pagkuha sa kanilang anak.

Nang hindi nakuha ay umalis si mister, subalit ilang minuto ay bumalik na may bitbit na container na naglalaman ng gasolina at nagbanta na susunugin ang bahay kapag hindi ibinigay ang bata.

Sa kasagsagan ng komprontasyon, isinaboy ni mister ang gasolina sa kanilang bahay, sabay sinindihan ng lighter at pumasok sa loob bitbit ang kalunos-lunos na bata.

Tumakbo naman palabas ang misis nito para humingi ng saklolo subalit sa bilis nang pangyayari ay mabilis nagliyab at natupok ang kanilang bahay.

Nang ideklarang fire out at pasukin kalaunan ng mga bumbero ang lugar ay tumambad sa kanila ang bangkay ng mag-ama.

Isinusulat ito, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente. Dick Mirasol III