Mag-ama patay; 10 sugatan sa araro ng truck

Mag-ama patay; 10 sugatan sa araro ng truck

September 24, 2022 @ 9:00 AM 2 months ago


TUPI, South Cotabato- Patay ang mag-ama habang sugatan ang 10 na iba pa matapos araruhin ng 10-wheeler truck ang 14 na sasakyan kahapon sa bayang ito.

Dead-on-the-spot ang 3-anyos na batang babae at ama nito habang patuloy naman ginagamot sa ospital ang 10 na kinilalang sina Marielle Puno Maravilla, Eduardo Ajeno, Vergel Viali, Ronnel Magayo, Ronnel Verbal, Krizel Flandez, Jennifer Daquil, Kristine Mae Baduraya, John Carlo Pamonero, Janelle Ungab.

Batay sa report ng Tupi Municipal Police Station, dakong alas-6 ng hapon naganap ang insidente sa national highway Poblacion Tupi South Cotabato.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan ng preno ang 10 wheeler truck na may kargang 20 footer container van hanggang sa araruhin nito ang 14 na sasakyan na kinabibilangan ng 3 SUV, 5 motorsiklo, 1 side car, 1 bus, 1 forward truck at 3 pick-up.

Sa bilis ng pangyayari nahagip truck ang mga sasakyan at mga estudyante ng South East Asia Institute of Technology Incorporated (SEAIT) na saktong palabas ang mga ito ng paaralan.

Kaagad naman dinala sa ospital ang mga biktima para lapatan ng lunas habang nasawi ang mag-ama.

Tugis naman ng mga awtoridad ang driver ng truck na mabilis tumakas matapos ang insidente. Mary Anne Sapico