Mag-ama patay sa talunang supporter

Mag-ama patay sa talunang supporter

May 15, 2022 @ 12:56 PM 2 months ago


MATINA, Davao City- Hindi inakala ng mag-ama na ang pagkapanalo ng kanilang sinuportahang presidente ng bansa na si Bongbong Marcos ang magiging dahilan ng kanilang kamatayan matapos silang pagsasaksakin ng kanyang manugang nitong Biyernes sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Panfilo Orosio Manrique, 71-anyos at anak na si Geraldine Eltagonde Manrique, 43-anyos, kapwa nakatira sa Galendez boarding house sa Diamond Village Matina Aplaya, Davao City.

Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Rio Aquino Ballenas, 30-anyos at nakatira sa nasabing lugar.

Batay sa report ng Talomo Police Station, dakong alas-10:30 ng gabi nang naganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-amang Manrique.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang matandang Manrique at Aquino hinggil sa kandidatong kanilang sinuportahan.

Naasar umano ang suspek dahil natalo ang presidente nito habang nagbubunyi naman ang mga biktima sa pagka-panalo ni BBM.

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang usapin kaya pumagitna na rin si Geraldine para maputol ang usapin .

Hindi nagpatalo ang suspek kaya kahit sa harap mismo ng tatlong anak niyang mga menor-de-edad ay pinagsasaksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang mag-ama na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Ilang kapitbahay naman ang nakarinig ng komosyon sa loob ng pamilya Manrique kaya itinawag na nila ang pulisya ang insidente.

Sa pagresponde ng mga pulis naabutan na nilang naliligo sa sariling dugo ang mag-ama at wala ng mga buhay habang tulala naman ang tatlong bata.

Narekober rin sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ang 12-pulgada haba ng kutsilyo na hinihinalang ginamit sa pagpatay sa mga biktima.

Kuwento naman ng mga kaanak, may dati na rin hindi pagkakaunawaan ang pamilya ng biktima at suspek dahil ang dating kinakasama ng suspek at kasalukuyan live-in partner ay magkapatid.

Nahaharap ngayon sa kasong double murder ang suspek. Mary Anne Sapico