Mag-ama tusta sa sunog sa Bataan

Mag-ama tusta sa sunog sa Bataan

August 9, 2022 @ 10:31 AM 2 months ago


ORANI, BATAAN – Patay ang mag-ama sa sunog na umabo sa 15 kabahayan dito nitong Lunes ng umaga.

Iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) na 10 bahay ang nawasak habang lima pa ang bahagyang nasira.

Ang sunog na nagsimula dakong alas-9:26 ng umaga ay idineklarang under control alas-10:05 ng umaga at fire-out alas-10:36 ng umaga.

Nagtulungan ang mga residente at mga bumbero sa pamamagitan ng pagbubuhos ng tubig sa apoy gamit ang mga balde at maliliit na hose.

Sinabi ni Barangay Pacar chair Pepito Dionisio na ang mga nasawi ay nakulong sa loob ng kanilang bahay at isinugod pa sa Orani District Hospital.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Johnny Muyon, 56, at Janine Emerald Muyon, 20.

Sinabi ng Orani BFP na inaalam pa nila ang sanhi ng sunog at ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian. RNT