Mag-amang tulak, 1 pa, binitbit sa Malabon buy-bust

Mag-amang tulak, 1 pa, binitbit sa Malabon buy-bust

January 9, 2023 @ 10:30 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Swak sa kalaboso ang apat na hinihinalang drug personalities, kabilang ang mag-ama na dumayo pa umano para magbenta ng droga matapos maaresto sa buy bust operation sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek bilang sina Arturo Quimbo Sr, 59, Arturo Quimbo Jr, alyas “Sadam”, 32, kapwa ng Building 20 Station Aroma Brgy. 105, Tondo Manila at Rodriguez Flores, 49, e-trike driver ng 108 Leoño Street Brgy. Tañong.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Daro na dakong ala-1 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PCPT Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa C4 Road corner Leoño Street Brgy. Tañong.

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mag-ama ng P500 halaga ng droga at nang tanggapin nila ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng isang sachet ng umano’y shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba, kasama si Flores na sinasabing bumili din sa kanila ng shabu.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 10.4 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value P70,720 at marked money.

Ani PSSg Kenneth Geronimo, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura