Mag-anak nalason sa butete; nanay, patay!

Mag-anak nalason sa butete; nanay, patay!

August 5, 2022 @ 1:13 PM 2 weeks ago


LAPU-LAPU CITY- Patay ang isang misis habang kritikal sa ospital ang mister at 6 na anak nito matapos malason sa kinain nilang butete, nitong Huwebes sa lungsod na ito.

Kinilala ang namatay na si Romana Abas Evardo, 56,habang inoobserbahan naman sa ospital ang kanyang mister na si Reynaldo 57-anyos; mga anak na sina Eugene 32; Joseph 30; Jordan 28; 9 na anyos anak na babae; 5 at 4 taong gulang na batang lalake, lahat mga residente sa isla ng Caubian, Lapu-Lapu City Cebu.

Ayon kay PSSg Aaron Gevera, imbestigador ng Olango Lapu-Lapu City PS 1, galing sa pangingisda ang mag-asawa at bitbit ng mga ito ang maliliit na isda na kilala nila sa tawag na “buriring” o butete.

Agad na niluto ng ina ang butete at pinagsaluhan nila itong kinain sa kanilang agahan.

Pagsapit ng 11:00 AM, bigla na lamang nakaranas ng pagkahilo at pagsusuka ang pamilya Evardo hanggang sa dinala ang mga ito sa Sta. Rosa Community Hospital para lapatan ng lunas.

Makalipas ang ilang minuto ay nalagutan na ng hininga Romana habang patuloy na inoobserbahan ang asawa’t mga anak.

Paniniwala ng mga awtoridad posibleng hindi nalinis ng maayos ang butete na naging sanhi ng pagkalason.

Paulit-ulit naman nagpapaalala ang mga awtoridad na tiyakin malinis at maayos ang pagluluto at tanging eksperto lamang nakakapagluto ng butete para hindi paulit-ulit ang nangyayaring pagkalaso na kung saan maraming insidente na ang namamatay na kumain ng butete./Mary Anne Sapico