Mag-anak patay sa Ilocos Norte road crash

Mag-anak patay sa Ilocos Norte road crash

October 31, 2022 @ 3:38 PM 1 month ago


LAOAG CITY, Ilocos Norte- Patay ang isang pamilya na binubuo ng limang miyembro sa aksidente sa daan nitong Linggo sa national highway ng Barangay Sucsuquen sa bayan ng Piddig, Ilocos Norte province, ayon sa mga pulis.

Kinilala ang mga nasawi na sina Eduard Burgos, 41, na nagmamaneho ng tricycle, kanyang mga menor-de-edad na anak na sina Eljay Burgos at Liam Burgos, at mga biyenan na sina Tranquilino Balino at Zenaida Balino, na mga pasahero niya.

Inihayag ng mga imbestigador na pauwi ang mga biktima sa kanilang tahanan sa Barangay San Jose sa bayan ng Sarrat matapos pumunta sa lamay ng kaanak sa Piddig.

Sinabi ni Lieutenant Rudy James Jacalne, Piddig police chief, na isang black Toyota Vios ang minamaneho ng drayber na si Jonathan Pacaro, na habang nag-oovertake ay bumangga sa tricycle sa kabilang bahagi ng daan.

Wasak ang parehong sasakyan sa insidente.

Ded-on-the-spot sina Eduardo at ang mag-asawa, habang naisugod pa ang mga anak ni Eduardo sa Piddig District Hospital subalit idineklarang dead on arrival, ayon sa mga pulis.

Lasing umano si Pacaro ng Barangay Ester sa Vintar nang maganap ang aksidente. Hindi naman siya nasugatan, base sa mga pulis.

Sumuko siya sa mga awtoridad bandang alas- 11 ng gabi.

Inihayag ng mga pulis na magsasampa sila ng patong-patong na kaso laban kay Pacaro, kabilang ang reckless imprudence resulting in multiple homicides, property damage, at paglabag sa anti-drunk driving act. RNT/SA