Mag-asawa, anak, 1 pa patay sa lasing na drayber

Mag-asawa, anak, 1 pa patay sa lasing na drayber

December 5, 2022 @ 7:28 AM 2 months ago


GONZAGA, Cagayan- Patay ang apat na indibidwal kabilang ang mag-asawa at anak nilang batang lalaki habang sugatan ang walong iba pa matapos salpukin ng lasing na driver ng sports utility vehicle ang sinasakyan nilang tricycle, noong Sabado sa bayang ito.

Kinilala ang namatay na sina Velvet Geron, Donato Barsatan, driver ng kolong-kolong, asawa nitong si Marinet Barsatan, at anak na si Prince Barsatan, 7, lahat ay residente ng Barangay Baua ng nasabing bayan.

Nakakulong naman sa lock-up cell ng Gonzaga-PNP ang suspek at driver ng Toyota Fortuner na kinilalan si Rodolfo Batin, 56-anyos at residente ng Brgy Arellano, Quezon, Isabela.

Ayon kay PLT Orlan Capili, deputy chief of police ng Gonzaga PNP, dakong alas-10:30 ng gabi nang bumangga ang SUV sa isang tricycle at kolong-kolong sa bahagi ng tulay sa Brgy. Ipil.

Sinabi ni Capili na papuntang bayan ang tricycle na sakay ang dalawang pasahero na pawang taga-Brgy. Ipil habang nakasunod sa kanila ang kulay gray na SUV na minamaneho ni Batin.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, nasa impluwensiya ng nakalalasing na alak ang suspek at matulin ang patakbo kaya nabangga nito sa tricycle na noon ay nakahinto sa gilid ng tulay para bigyang-daan ang kasalubong na kolong-kolong.

Sa lakas ng pagkakasalpok ng SUV ay bumaliktad ang tricycle habang muling sinalpok ng SUV ang kasalubong na kolong-kolong na lulan ang siyam na katao kabilang ang pamilya Barsatan.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan si Donato na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang nalagutan naman ng hininga ang kanyang mag-ina at si Geron habang nilalapatan ng lunas sa ospital.

Patuloy naman ginagamot sa ospital ang 8 pang sugatan na sakay ng tricycle at kolong-kolong.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, and damage to property si Batin. Mary Anne Sapico