Mag-asawa, anak niratrat, patay!

Mag-asawa, anak niratrat, patay!

August 3, 2022 @ 12:06 PM 2 weeks ago


MAMASAPANO, Maguindanao- Bumaha ng dugo sa tahanan ng isang pamilya matapos silang pasukin at pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang armadong kalalakihan na ikinasawi ng mag-asawa at 5-anyos nilang anak habang ligtas naman ang 9-buwan na sanggol, Martes sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Adulkadir Matuwa, 53-anyos, misis nitong si Zahera Matuwa, 32, at ang kanilang anak na 5-anyos na si Nhala, mga residente ng Sitio Pamalian Barangay Manungkaling Mamasapano Maguindanao.

Batay sa report ng Mamasapano Police Station, dakong alas-12:30 naganap ang karumal-dumal na krimen sa loob ng pamilya Matuwa.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, pinasok ng mga suspek na armado ng 5.56 automatic rifle ang bahay ng mga biktima at niratrat ang mga ito saka mabilis na nagsitakas.

Rumesponde naman ang mga sundalo at pulis sa naturang lugar naabutan ang mga biktima na naliligo sa sariling dugo at wala ng mga buhay habang ang sanggol at nakitang natutulog sa duyan.

Nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico