Mag-asawa nilamon ng dagat sa Cagayan

Mag-asawa nilamon ng dagat sa Cagayan

October 22, 2022 @ 2:30 PM 1 month ago


SANCHEZ MIRA, CAGAYAN – Patay na ng matagpuan matapos na malunod ang mag-asawa sa pampang ng baybaying dagat sa bahagi ng Sanchez Mira, Cagayan.

Ayon kay Jovitor Biado, head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Sanchez Mira magkasunod na nakita ang bangkay ng dalawang biktima na kinilalang sina Rene, 55-anyos at Nessy Candinato 54-anyos kapwa residente ng Barangay Centro sa bayan ng Abulug.

Unang nakita si Rene sa tabi ng dagat sa bahagi ng Brgy. Masisit at si Nessy ay nakita naman sa Brgy. Tokitok, na agad ipinarating sa kanilang opisina.

Kinumpirma naman ng doktor sa lugar na pagkalunod ang sanhi ng pagkamatay ng dalawa.

Ayon kay Biado na agad silang nakipag-ugnayan sa MDRRMO-Abulug dahil kahapon ay nakapagtala sila ng dalawang nawawala matapos pumalaot para mangisda.

Kinumpirma naman ng mga anak at kamag-anak ng mag-asawang biktima na ang natagpuang bangkay ay kanilang kapamilya. Rey Velasco