Mag-asawa patay sa pananambang

Mag-asawa patay sa pananambang

May 21, 2022 @ 10:48 AM 1 month ago


APARRI, Cagayan- Patay ang mag-asawa matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek nitong Huwebes sa bayang ito.

Kinilala ang mga biktimang sina Samuel Oandasan Soliven, 73-taong gulang, at asawa nitong si Teresita Agbayani Soliven, 69 taong gulang at pawang mga residente ng Brgy. Maura, Aparri.

Batay sa report ng Aparri Police Station, dakong 8:10 PM naganap ang krimen sa harap ng sementeryo sa Rizal St., Brgy. Maura, ng naturang bayan.

Ayon kay PSMS Jupiter Paguirigan, imbestigador  ng Aparri-PNP, galing ang mga biktima sa pagsisimba at pauwi na sana ang mga ito sa sakay ng kulong-kulong.

Pagdating sa nasabing lugar bigla na lamang silang hinarang ng mga suspek na nakamotorsiklo.

Agad na bumunot ng baril ang angkas ng motorsiklo at pinagbabaril ang mag-asawa sa iba’t ibang parte ng katawan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa silangan direksyon.

Isinugod naman sa ospital ang mga biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ang mga ito ng hininga.

Sa ngayon nagpapatuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran ikadarakip sa mga ito. Mary Anne Sapico