Mag-asawa patay sa selosong pulis

Mag-asawa patay sa selosong pulis

January 24, 2023 @ 9:54 AM 2 weeks ago


BUTUAN CITY- Selos ang isa sa hinihinalang motibo sa pamamaril patay ng isang pulis sa mag-asawang negosyante na kapitbahay, kagabi, Enero 23 sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga biktimang sina Mary Ann Añasco, 51-anyos, at Charlie Añasco, 45-anyos, RCH Trading Petron Agent, at kapwa residente sa Princess 1 Subdivision, Purok-6, Barangay Villa Kananga, Butuan City.

Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Police Staff Master Sergeant Darwin Plaza Nolasco, 46-anyos, nakatalaga sa Dinagat Municipal Police Station, Dinagat Island at residente sa Block 2 Lot 10, Princess 1 Subdivision, Villa Kananga, Butuan City.

Batay sa report ng Butuan City Police Station-1, dakong 8:10PM ng maganap ang krimen sa tapat ng bahay ng mag-asawang Añasco sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nasa loob ng kanilang Toyota Vios na may plakang KGH-38 ang mga biktima ng bigla na lamang silang pinagbabaril sa iba’t ibang parte ng katawan ng suspek na nagresulta sa agaran nilang kamatayan.

Mabilis naman rumesponde ang mga awtoridad sa nasabing lugar at naabutan nila ang suspek bitbit ang service firearm nito na ginamit sa krimen.

Agad na pinosasan ang suspek at dinala sa nasabing himpilan ng pulisya at posibleng maharap sa patung-patong na kaso.

Sa ngayon nagpapatuloy ang ginawang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang krimen. Mary Anne Sapico