Mag-asawang lider ng NPA, pamangkin, sumuko

Mag-asawang lider ng NPA, pamangkin, sumuko

July 15, 2021 @ 11:14 AM 1 year ago


CAGAYAN VALLEY-Tuluyan ng tinalikuran ang kilusan at kusang sumuko ang mataas na lider  ng New Peoples army o NPA at kanyang asawa kabilang ang kanilang pamangkin na nagbalik loob sa pamahalaan na dating miyembro ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley o KR-CV.

Sumuko ang tatlong dating rebelde sa 95th Infantry Battalion  sa ilalim ng 502nd Infantry Brigade Philipine army sa Palanan, Isabela.

Kinilala ang mga sumukong rebelde na sina Alias Badi, 44-anyos, residente ng Barangay Puro, Legazpi City, Albay, isang Commanding Officer ng Regional Ordnance Group of the Regional Operations Command o ROC at kasama niya ang dalawang myembro ng squad tres ng Regional Sentro De Gravidad na si Alias Rowena, 36-anyos, residente ng Barangay Alomanay, Palanan, Isabela, logistics officer at si Alias Erick, pamangkin ni Alias Badi.

Ayon kay Alias Badi, napilitan siyang sumapi sa kilusan noong 1998 dahil sa pagbabanta ng isang kadre sa Kastila, Sorsogon.

Noong 2002, pinadala siya sa Camalig, Albay para magreport kay Alias Yulo, ang Secretary o Political Officer ng Larangan ng Albay bago siya itinalaga  sa lalawigan ng Isabela kasama si Alias Diobe at Alias Jake sa parehong taon.

Sumapi siya sa  1st platoon ng Central Front Committee sa Central Isabela na kamakailan lamang na nabuwag ng pamahalaan.

Noong 2015 ay nagtungo siya sa Sagada, Mt. Province upang magsanay na gumawa ng pampasabog at bumalik sa Digusi Complex, San Mariano, Isabela upang magturo sa kanilang mga kasapi na gumawa ng Anti-Personnel Mines o APMs.

Narekrut ng kanyang grupo si Alias Rowena na kanyang naging asawa.

Hanggang natuto din si alias Rowena sa Individual Combat Training o ICT sa Barangay Dimasalansan, Divilacan, Isabela at noong 2020 ay nagtraining sa Batayang Kursong Politiko-Militar sa Barangay Dibulos, Divilacan, Isabela at nitong buwan ng Hunyo ay nagsilang ng kanilang anak ni Alias Badi.

Kaugnay nito, dala ng mga sumukong rebelde ang tatlong M16 rifles, dalawang bandoliers, tatlong cellphones, medical paraphernalia, at subersibong dokumento tungkol sa kilusan, 68 piraso ng APMs, apat na detonating cords, seven blasting machines, nine remote controls, dalawang car remote controls, Improvised Explosive Device paraphernalia, isang portable power generator, isang rifle scope, hard drive, printer sa Sitio Dadugen, Barangay Dibuluan, San Mariano dito sa nabanggit na lalawigan.

Nagpasya silang sumuko sa pamahalaan dahil sa hirap na kanilang naranasan sa loob ng kilusan mula nang mapatay ng tropa ng pamahalaan sa isang engkwentro sa San Guillermo, Isabela si Kumander Yuni na tubong Davao. Rey Velasco