Mag-asawang ‘mangkukulam’ kinatay!

Mag-asawang ‘mangkukulam’ kinatay!

July 11, 2022 @ 9:46 AM 1 month ago


NEGROS ORIENTAL- Pinagtataga hanggang sa mapatay ang mag-asawa na pinagbintangan mangkukulam matapos tambangan ng pitong hindi kilalang mga suspek na armado ng itak Sabado sa bayan ng Jimalalud.

Kinilala ang biktimang sina Alfredo Abrasado at asawa nitong si Bebelyn Abrasado, kapwa residente sa Sityo Magabii, Barangay Pacuan, Jimalalud, Negros Oriental.

Ayon kay Police Master Sergeant Oliver Quezon, ng Jimalalud Police Station, dakong 5:00 PM naganap ang krimen sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, galing barangay hall ang mag-asawa kasama ang 28-anyos na anak na babaeng hindi pinangalanan dahil sa mga reklamong mangkukulam ang mga ito.

Habang papauwi na ang mga biktima sa kanilang bahay bigla na lamang silang tinambangan ng pitong kalalakihan at pinagtataga sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Mabilis naman nakatakbo ang anak ng mag-asawa at nagsitakas naman ang mga suspek.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, madalas nirereklamo ang mag-asawa dahil sa umano’y pambabarang o pangkukulam.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at agaran ikadarakip sa mga ito./Mary Anne Sapico