Mag-asawang nag-agawan ng granada, patay

Mag-asawang nag-agawan ng granada, patay

February 2, 2023 @ 2:40 PM 2 months ago


GAMU, ISABELA – Halos magkandalasug-lasog ang katawan at naliligo na ng sariling dugo ang mag-asawa na nag-aagawan umano sa isang granada matapos sumabog sa loob ng kanilang bahay sa Purok 7, District 3, Gamu, Isabela.

Kinilala ang mag-asawa na sina Charles Medrano, 40 anyos, magsasaka at Criselda Medrano, 43 anyos, elementary teacher na residente sa naturang lugar.

Nagulantang ang mga kapitbahay ng mag-asawa ng Marinig nila ang pagsabog sa bahay ni Medrano.

Sa pagresponde ng pulisya ay nadatnan nila sa lugar na wala nang buhay ang mag-asawa sa loob ng kanilang kuwatro dahil sa malubhang sugat sa kanilang katawan.

Inihayag naman ni Barangay Kapitan Victor Gamayon, ng District 3, Gamu, Isabela na hinihinalang away mag-asawa ang dahilan ng pag-aagawan nila sa granada kung saan ay matagal na umanong may alitan ang mag-asawa at sa katunayan ay may isinampang kaso laban sa mister.

Hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin iniimbestihahan ng pulisya ang naturang insidente. Rey Velasco