Mag-asawang negosyante, inambush; misis patay

Mag-asawang negosyante, inambush; misis patay

March 15, 2023 @ 9:50 AM 1 week ago


GENERAL SANTOS CITY – PATAY ang isang misis na negosyante habang kritikal ang mister nito matapos silang tambangan at pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Kinilala ang namatay na si Amelia Tajala, habang kritikal sa ospital ang mister na si Belgar, kapwa nasa hustong gulang at residente sa Purok 5, Block 7, Brgy. Fatima, GenSan.

Batay sa report ng General Santos City Police, bandang 4:00 AM ng maganap ang krimen sa SACI Road, Zone 1, Block 10, Brgy. Fatima, ng nasabing lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mga biktima ng kanilang Mitsubishi Montero na may plakang MFN-927 at patungong Gensan Fishport.

Subalit pagdating sa nasabing lugar bigla na lamang silang hinarang ng mga suspek sakay ng motorsiklo at pinaulanan ng bala ng baril.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Agad naman dinala sa Gensan Medical Center ang mag-asawa para lapatan ng lunas subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga si Amelia.

Rumesponde naman ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen at nakapulot sila ng 16 na basyo ng caliber 45.

Inaalam na ng mga awtoridad kung may kinalaman sa negosyo ang motibo sa krimen o ang pagpapautang ng pera ng mag-asawa.

Sinabi naman ng pulisya, na nagbigay na ng pahayag ang ina ng isa sa mga biktima at may itinuturo itong suspek na sa ngayon ay hindi pa muna pinangalanan ng mga awtoridad./Mary Anne Sapico