Mag-asawang NPA leader patay sa engkuwentro

Mag-asawang NPA leader patay sa engkuwentro

March 18, 2022 @ 12:24 PM 3 months ago


TACLOBAN CITY – Patay ang mag-asawang lider ng New People’s Army (NPA) matapos umanong barilin ang mga nagpapatrolyang pulis na nauwi sa bakbakan sa bayan ng Jiabong, Samar nitong Miyerkules.

Kinilala ang mga namatay na suspek na sina Amado Adelantar alyas “Butil” at misis nitong si Maria Norie Adelantar alyas “Cedang” ng communist movement.

Ayon kay PNP Samar provincial director Col. Richard Saavedra, nakatanggap sila ng report hinggil sa presensya ng anim na armadong rebeldeng grupo sa Alejandrea village, Jiabong, Samar.

Agad na nagsagawa ng pagpapatrolya ang mga pulis sa nasabing lugar subalit sinalubong na sila ng mga putok ng baril ng mga rebelde.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis at tinamaan ang mag-asawa habang ang iba nilang kasama ay mabilis na nagsitakas.

Isinugod naman ang mag-asawa sa Samar Provincial Hospital Catbalogan City, 31 kilometro ang layo bayan ng Jiabong subalit idineklara na rin silang patay ng umatending doktor.

Nabatid, na si Amado, ay nahaharap sa kasong murder, robbery, at homicide, kung saan naging commander rin siya ng NPA scout ranger orientation course (SROC); habang si Marie Norie ay finance officer ng NPA SROC.

Sinabi pa ng pulisya na kapwa kasapi sa ilalim ng Communist Party of the Philippines (CPP)–NPA Eastern Visayas Regional Party Committee ang mag-asawang Adelantar.

Nakapulot naman ang mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng engkwentro ng KG9 sub-machine gun at wala laman ang magazine, baril na may mga bala, 5 basyo ng mga bala ng baril, 2 hand grenades, at mga subersibong dokumento./Mary Anne Sapico