Mag-asawang Tiamzon, patay sa military ops?

Mag-asawang Tiamzon, patay sa military ops?

August 23, 2022 @ 7:13 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Iniulat na napatay sa special military operation ang mga opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army na sina Benito at Wilma Tiamzon sa Samar bagamat wala pang opisyal na kumpirmasyon dito hanggang kahapon ng hapon.

May mga hindi kumpirmadong ulat na ang mag-asawa ay napatay sa aerial bombing sa Catbalogan City, Samar bagaman walang opisyal na handang kumpirmahin ang ulat.

Gayunpaman, sinabi ng mga source na ilalabas ng Armed Forces Eastern Visayas Command ang mga detalye ng operasyon.

Sa ulat nakasakay ang mag-asawang Tiamzon sa isang motor banca kasama ang 10 iba pang armadong kalalakihan nang makasagupa ang hukbo ng kasundaluhan.

Sinabi rin ng isang opisyal ng intelligence na upang matiyak na ang mga tunay na Tiamzon ay ang mga napatay sa umano’y aerial bombing, ang mga sample ng kanilang DNA ay kailangan upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng cross-matching sa DNA ng kanilang mga kamag-anak.

Noong Nobyembre 2020, sinabi ng AFP na ang paghatol sa mag-asawa sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention ay tagumpay para sa maraming biktima ng kalupitan ng NPA partikular na ang mga utos na magsagawa ng pagpatay, panununog, pangingikil, pananambang, pambobomba, at iba pang aktibidad na kanilang ginawa.

Parehong hinatulan ang dalawa ng hanggang 40-taong pagkakulong habang hinimok ng mga opisyal ng seguridad ang dalawa na sumuko.

Ang dalawa ay hinatulan ni Judge Alfonzo Cruz II ng Quezon City Regional Trial Court Branch 216. Parehong nahaharap din ang dalawa sa maraming kasong pagpatay dahil sa tinaguriang ‘Inopacan Massacre’ sa lalawigan ng Leyte kung saan ang self-exiled CPP founder na si Jose Maria “Joma” Sison ay isa sa kanilang kapwa akusado.

Nahaharap din ang mga Tiamzon sa magkahiwalay na kaso ng illegal possession of firearms at explosives.

“Nilabag nila ang mga probisyon ng kanilang pansamantalang kalayaan (bilang mga consultant) nang tumanggi silang sumuko pagkatapos mabigo ang negosasyong pangkapayapaan. Pero patuloy silang hahabulin ng AFP,” sabi ni Major General Edgard Arevalo, tagapagsalita ng AFP.

Sinabi rin ng opisyal na patuloy na pinalalakas ng militar ang kanilang determinasyon na iharap sa hustisya ang iba pang mga kriminal bilang parangal sa mga biktima ng karahasang ginawa ng CPP-NPA.

Ang mag-asawang Tiamzon ay nahuli ng AFP intelligence agents noong Marso 2014 sa Barangay Zaragoza, Cebu City. Noong 2020 sinabi noon ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo M. Año na sinimulan niyang subaybayan ang mag-asawa noong siya ay kapitan pa lamang ng Army.

Napatunayang guilty ang mag-asawa sa kidnapping at illegal detention ng mga tauhan ng militar na naka-furlough noong 1988. Inutusan din silang bayaran ang complainant na si Army Lieutenant Abraham Claro Casis, ng kabuuang P225,000 bilang civil indemnity at danyos.

Pinayagan silang magpiyansa noong Agosto 15, 2016 para sumali sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front, ang political wing ng CPP/NPA. Nats Taboy