MAG-DARLING, CP ‘WAG PAKIALAMAN

MAG-DARLING, CP ‘WAG PAKIALAMAN

January 25, 2023 @ 1:30 PM 1 week ago


KUNG may darling ka, asawa man o girlfren o boypren, at gusto mong magtagal o maging habambuhay ang inyong pagsasama, ano-ano ba ang naiisip mong gawin?

Ngunit doon na lang tayo sa mga kasal.

May anak man sila o wala, nagpakasal ang mga tao dahil sa pagmamahal at pangangailangan sa isa’t isa hanggang sa paghiwalayin sila ng kamatayan.

“Mahal na mahal kita, peksman,” ang pangako nila sa isa’t isa.
Pero bakit kaya, dumarami ang kasal na gustong buwagin ang kanilang pagsasama.

Hindi dahil sa meron silang pamalit sa isa’t isa kundi nagkakapundihan na.

At tulad ng ilaw, kapag napundi, magdidilim ang tahanan, ang paligid.

Pati ang pagmamahalan, napupundi, nagdidilim din.

Hanggang sa tuluyan na silang paghiwalayin ng annulment, legal separation o basta lumayo sa isa’t isa.

Kapag naging batas na ang diborsyong nakahain sa Kongreso, maghihiwalay rin sila sa paraang ito gaya ng ginagawa sa ibang mga bansa na roon umiiral ito.

Kung bakit tinatalakay natin ang paghihiwalay ng mga kasal at mabilis na pagdami ng bilang ng mga ito, gusto nating hindi mangyari ito, hangga’t maaari.

Dahil maaapektuhan ang kinabukasan ng mga bata.

Mahirap at hindi nila maramdaman ang magkasamang pagmamahal at pag-aaruga ng mga magulang.

Maaari ring pagmumulan ito nang pagkakahati-hati at paghina ng lipunan…kasama na ang pamahalaan.

At maaari ring pagmulan ito ng hindi magandang pangyayari gaya ng pagdami ng mga nagpapalitan ng asawa at pagdami ng mga anak na mapababayaan.

Ang totoo, problemado si Gambia President Adma Barrow sa mabilis na pagdami ng mga naghihiwalay dahil sa diborsyo.

Nabahala si Barrow sa 22,000 kaso ng diborsyo sa Gambia nitong 2022 lamang.

At alam ba ninyo ang isang paraan na kanyang isinusulong para mapigilan ang paghihiwalay ng mag-asawa?

Heto: Dapat huwag pakialaman ng mister o misis ang kani-kanilang cellphone na may mga personal na mensahe mula sa ibang lalaki o babae para maiwasan ang selos, away, diborsyo o paghihiwalay.

Oks ba sa inyo?