Mag-dyowa tiklo sa P.7M droga, boga

Mag-dyowa tiklo sa P.7M droga, boga

June 25, 2022 @ 4:03 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Ibinalibag sa magkahiwalay na selda ang sinasabing mag-dyowang tulak nang makuhanan ng halos P.7 milyong halaga ng shabu at baril sa buy-bust operation sa Caloocan City.

Arestado sina Raymond Ejara, 36 ng Barangay 176, Bagong Silang at; Arlene Gaspang, 24 ng National Highway, Cabuyao, Banaybanay, Laguna, na kapwa haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, habang may karagdagang kasong Illegal Possession of Firearms and Ammunition laban kay Ejara.

Bandang ala-1:30 ng hapon kamakalawa nang isagawa ang operasyon laban sa mga suspek sa Phase 8B, Kaagapay Road, Barangay 176 kung saan isang undercover ang nakaiskor sa mga suspek ng P37,500 halaga ng droga, at nang tanggapin ng mga ito ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng epektus ay agad silang dinamba.

Aabot sa 100 gramo ng hinihinalang shabu na may P680,000, buy-bust money at isang cal. 38 pistol na may tatlong bala ang nakumpiska sa mga dinakip. Merly Iral