Mag-iimbento ng kaso para hindi maipadeport ang 4 na Japanese nat’l, kakasuhan ng DOJ

Mag-iimbento ng kaso para hindi maipadeport ang 4 na Japanese nat’l, kakasuhan ng DOJ

February 1, 2023 @ 6:38 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Posibleng makasuhan ng Department of Justice ang mga abogado na nagsasampa ng mga gawa-gawang kaso para mapigilan ang pagpapatapon sa mga undesirable alien sa Pilipinas.

Ang babala ni Justice Secretary Crispin Remulla ay sa harap ng mga kahilingan ng Japan sa Philippine government na maipadeport ang apat na Japanese nationals na mga suspek sa serye ng robbery sa Japan.

Iginiit ng kalihim na istilo ng ilang abugado na mag-imbento ng kaso laban sa dayuhang kliyente upang hindi ito maipatapon pabalik ng Japan at managot sa mga kaso nila doon.

Ayon sa kalihim, isa ng lumang taktika ng mga abogado ang paghahain ng contrived cases para hindi maipadeport sa country of origin ang mga wanted na dayuhan na nasa Pilipinas.

Iginiit ni Remulla na kakasuhan ng DOJ ang mga abogado na mapatutunayang pinipigilan ang pagdaloy ng hustisya.

Batid ng kalihim na may mga abogado na talaga na experto sa paghahain ng hindi totoong kaso sa mga puganteng dayuhan dahil hindi maipapadeport ang isang banyaga kung may pending na kaso ito sa Pilipinas. Teresa Tavares