Mag-iina patay sa selos ng ama; suspek nagbaril sa sarili

Mag-iina patay sa selos ng ama; suspek nagbaril sa sarili

August 23, 2021 @ 1:25 PM 10 months ago


NEGROS OCCIDENTAL- KAAWA-AWA ang sinapit ng mag-iina makaraan barilin sila ng kanilang padre de pamilya dahil sa matinding selos, iniulat kahapon sa lungsod ng Himamaylan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mary Rose Egca, 24-anyos, mga anak na isang taon na babae at pitong buwang sanggol na lalaki habang nagbaril-patay sa sarili ang suspek at kinakasama ni Mary Rose na ama ng mga bata na kinilalang si Raymundo Diaz, 59-anyos, negosyante at pawang residente sa Greenland Subdivision Brgy. 4, Himamaylan City, Negros Occidental.

Batay sa report ng Himamaylan City Police Station, dakong 6:00 AM ng Sabado nang maganap ang madugong krimen sa loob ng tahanan ng mag-live in partner sa naturang lugar.

Ayon kay Police Lt. Col. Romeo Vargas, hepe ng Himamaylan City Police Station, nagpaalam si Egca kay Diaz na pupunta sa bahay ng kanyang mga magulang para doon sana magdiwang ng ika-24 kaarawan kasama ang mga bata.

Nagalit ang suspek at ipinasok nito ang mag-iina sa kanilang silid saka isa-isang pinagbabaril sa ulo na naging sanhi ng kamatayan ng kanilang agaran kamatayan.

Narinig naman ng kasambahay ng mga biktima ang magkakasunod na putok ng baril kaya agad nilang binuksan ang silid ng mag-asawa at bumulga sa kanilang harapan ang apat na nakahandusay at walang mga buhay.

Agad naman silang humingi ng tulong sa mga otoridad at narekober sa loob ng kuwarto ang super 38 caliber pistol.

Isinugod pa sa ospital ang apat pero dineklara na rin silang patay ng umatending doktor.

Nabatid, na madalas nagtatalo sina Diaz at Egca dahil sa selos at hinalang may ibang lalaking kinalolokohan si Egca na mas bata kumpara kay Diaz./Mary Anne Sapico