Mag-iina sa Tondo, nailigtas sa hostage taker

Mag-iina sa Tondo, nailigtas sa hostage taker

January 7, 2023 @ 8:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang tatlong mag-iina matapos ang dalawang oras na ‘hostage taking’ sa Tondo, Maynila Biyernes ng gabi, Enero 6.

Kusa namang sumuko ang hostage taker at suspek na si Elmer Cañas Venisin, 31, ng Blk 49, Lot 3 Longos , Malabon City.

Habang ang biktimang mag-iina ay nakilalang sina Nizel Labial, 36 anyos at anak nitong babae na 12 taong gulang at 3 taong gulang na batang lalaki.

Sa panayam kay MPD Director Brig.General Andre Dizon, kasalukuyan itong nasa Quiapo kasama ang motorcycle patrol nang mabalitaan ang nangyari kaya agad itong napasugod sa lugar.

“Napag-alaman natin na yung hostage taker ay humahangos at umakyat sa second floor nakita niya na maraming lalaki kaya hindi siya natuloy pumasok so hindi siya tumuloy pumasok at umakyat uli Siya sa third floor– dun niya nakita yung mag-iina at ginawa na nga niya yung hostage,” pahayag ni Dizon.

Ang kapitbahay umano ng mga biktima ang siyang humingi ng saklolo sa kinauukulan nang makita ang isang hindi kilalang lalaki na pumasok sa tinutuluyan ng mag-iina.

Aniya, ipinagkatiwala niya kay LtCol. Rosalino Ibay Jr. na siyang hepe ng MPD-Station 1 na nakakasakop sa lugar ang pakikipag-negosasyon sa suspek habang sila ng SWAT team at iba pang tauhan ng Station 1 ay naka-secure sa lugar.

Sinabi naman ni Ibay na humingi ito ng clearance kay Dizon upang magsibilyan para mas malapitan ang suspek dahil takot ito sa mga pulis kaya hindi masyadong nahirapan sa pakikipag-negosasyon.

Aniya hiniling din ng suspek ang kanyang kapatid bilang kapalit ng mga biktima kaya agad nitong tinawagan at nang dumating at makuha ang tiwala ng suspek ay kusa naman itong sumuko kay Ibay at kay Dizon.

Laking pasasalamat naman ng mga ito dahil walang nasaktan sa mga biktima kung saan natapos ang hostage taking incident alas-7:50 ng gabi.

Patong-patong na kaso naman ang maaring kaharapin ng suspek na nakakulong ngayong sa Raxabago detention cell dahil sa kanyang panghohostage.

Ayon kay Ibay, aalamin pa Kung lango sa alak at ilegal na droga ang suspek bagama’t aminado ito na paminsan-minsan ay gumagamit.

Samantala, nangako naman ni District 1 Rep. Ernesto Dionisio Jr. na tutulungan at susuportahan ang mag-iina kung ano ang kanilang pangangailangan lalo na ang mga bata na na-trauma sa pangyayari. Jocelyn Tabangcura-Domenden