Mag-ina, patay 2 sugatan sa araro ng SUV

Mag-ina, patay 2 sugatan sa araro ng SUV

May 29, 2022 @ 9:50 AM 4 weeks ago


KALINGA – Patay ang isang ina at 6-na buwan nitong sanggol na anak habang sugatan ang dalawang iba pa matapos silang araruhin ng sports utility vehicle Sabado sa Tabuk City.

Kinilala ang mga namatay na sina Claire Daluping at ang sanggol nitong anak na si Kawhi, habang sugatan naman sina Kristell Dumalsin Gasatan, 15-anyos at Beverly Daluping, 14-anyos; pawang mga residente sa Sitio Dananao, Barangay Lacnog, Tabuk City, Kalinga.

Sumuko naman sa pulisya ang suspek at driver ng SUV na kinilalang si Edwin Ortiz, 64-anyos, residente ng Magsaysay, Tabuk City.

Batay sa report ng Tabuk City Police Station, dakong 3:00 PM naganap ang insidente sa nabanggit na lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ni Ortiz ang nasabing kalsada ng subukan nitong mag-overtake sa sinusundang sasakyan.

Subalit, bigla namang lumiko-pakaliwa sa kanto papuntang Brgy. Bulo ang sasakyan kaya mabilis niyang kinabig ang manibela para hindi niya ito mabangga.

Sa halip na preno ay accelerator ang natapakan ni Ortiz kaya dumiretso ito sa kaliwang bahagi ng kalsada at inararo nito ang mga biktima na nakatambay at nakaupo sa gilid ng kalsada bago sinalpok ang isang konkretong bahay.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan si Claire na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang dinala naman sa ospital ang mga sugatan kasama ang sanggol pero nalagutan rin ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Nahaharap ngayon kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries at damage to property. Mary Anne Sapico