Mag-ina patay sa sports car

Mag-ina patay sa sports car

November 11, 2022 @ 11:13 AM 3 weeks ago


CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang mag-ina matapos salpukin ang sinasakyan nilang motorsiklo ng humaharurot na sports car kahapon, Nobyembre 10 sa Upper Carmen.

Agad na nasawi ang ina na si Analie Mabaylo, 46, habang nalagutan naman ng hininga habang ginagamot sa ospital ang anak nitong si Rodana Mabaylo Escobido, 16-anyos at kapwa residente sa Zone 1 Upper Balulang, Cagayan de Oro City.

Nakakulong naman sa Traffic Unit Custodial facility ang suspek at driver ng Toyota Sport Car na kinilalang si Derek Louie Neri Angodung, 27-anyos, residente sa Uptown Area Cagayan de Oro, City.

Ayon kay Police Corporal Maximo Judaya Jr, Traffic Unit Investigator-Cagayan de Oro City Police Office , dakong 5:00 Am naganap ang insidente sa Masterson Avenue, Upper Carmen ng naturang lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya sakay ang mag-ina ng Honda XRM na motorsiklo na minamaneho ng batang Mabaylo para mamili sa palengke.

Bigla na lamang umagaw ng linya ang suspek at inararo ang mag-ina na naging sanhi ng agaran kamatayan ng matandang Mabaylo.

Sinabi ni Judaya bukod sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide at damage to property posibleng madagdagan pa ang kasong kakaharapin ni Angodung dahil wala rin itong maipakitang driver’s license. Mary Anne Sapico