Mag-inang bihag ng ASG sa Sulu, nailigtas ng militar

Mag-inang bihag ng ASG sa Sulu, nailigtas ng militar

June 21, 2018 @ 3:14 PM 4 years ago


Sulu – Sa matinding pressure ng komunidad at ng militar ay tuluyang pinalaya ng ISIS-linked Abu Sayyaf Group (ASG) ang dalawang bihag sa Sulu kagabi.

Sa nakarating na report ng Western Mindanao Command (Wesmincom), alas-2 ng madaling araw ng Miyerkules ay pinakawalan ng teroristang grupo ang 27-anyos na si Edelyn Tulawe, at si Addang Tulawie, 57, ang kapatid at ina ni Talipao City Mayor Nebukadnezar Tulawie.

Batay sa ulat, ang mag-ina ay unang dinukot ng may 20-armadong miyembro ng teroristang grupo na pinamumunuan ng isang Hatib Hajan Sawajaan sa bahay ng pamilya Tulawie sa Barangay Kandaga-Boundary Kuhaw, Talipao, Sulu.

Ang bahay ng mga biktima ay may limang kilometro lamang ang layo mula sa bayan ng Talipao.

Kaugnay ng insidente ay nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng 2nd Special Forces Battalion-Philippine Army at ng PNP-Special Action Force kasama ang ilang miyembro ng Barangay Peace Keeping Action Team (BPAT) sa impormasyong naispatan ang grupo sa boundary ng dalawang barangay ng Sinumaan at Kagay.

Naiwasan ang sagupaan ng dalawang magkalabang panig dahil sa pakikipagtulungan ng komunidad sa lugar para palayain ang dalawang bihag at maiwasan ang pagbuwis ng buhay.

Sa kagubatan ng dalawang barangay iniwan ang mga bihag hanggang sa masagip sila ng mga awtoridad kung saan agad dinala ang mga ito sa tahanan ni dating Talipao Mayor Tambrin Tulawie at kalaunan ay dinala sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Hospital sa Jolo, Sulu para sa medical checkup and trauma briefing.

“We recognize the efforts of the Local Government of Talipao headed by Mayor Tulawie and all members of the community who did their best to help in the rescue of Edelyn and Addang Tulawie. It is the peoples’ participation and their resolve against the kidnappers that forced the bandits to abandon the victims in the area where they kept them for several hours. This also signals that the people will no longer tolerate the banditry perpetrated by the ASG in their community,” pahayag ni Brigadier General Divino Rey Pabayo, ang Joint Task Force Sulu commander.

Sa kasalukuyan ay patuloy na tinutugis ng militar at pulisya ang teroristang grupo para sa pag-neutralize sa mga ito.

Napag-alaman na nasa kabuuang 11 bihag pa ang hawak ng ASG. (Jeff Gallos)