Mag-inang Indian national nilooban, minolestiya sa condo unit

Mag-inang Indian national nilooban, minolestiya sa condo unit

November 17, 2022 @ 4:01 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Umabot sa P4-milyon na cash ang nakuha ng dalawang hindi nakikilalang lalaki nang looban nito ang condo unit ng mag-inang Indian national at molestiyahin pa ang batang babae kaninang madaling araw, Nobyembre 17 sa lungsod ng Quezon.

Sa ulat ng Cubao Police Station (PS 7), ng Quezon City Police District (QCPD), naganap ang insidente sa pagitan ng alas-3 hanggang alas-4 ng madaling araw sa Room 603-A 6th Floor, New York Mansion na matatagpuan sa No. 84 Montreal St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PEMS Vivian Umpad ng Women and Children Concern Section (DWCCS) ng PS 7, habang natutulog ang mag-ina, ay nagising umano ang Indian national (kapwa hindi binanggit ang pangalan), nang sakalin siya ng isa sa dalawang suspek at binusalan ang kaniyang bibig.

Hindi pa umano nakuntento ay sinaksak pa ang Bombay ng patalim sa kaliwang dibdib, dahilan upang mawalan ito ng ulirat.

Matapos ay minolestiya ang anak na batang babae ng Bombay, at saka nilimas ng mga suspek ang cash money na nagkakahalaga ng higit kumulang sa P4,000,000 na nasa cabinet bago tumakas.

Makalipas ang ilang minuto, bagama’t may tama ng saksak sa dibbdib ay tumawag ang biktima sa mga guwardiya ng condo at inireport ang nangyari sa kanilang mag-ina.

Nagsasagawa pa ng follow up operation ang mga awtoridad at inaalam pa kung may CCTV sa lugar, upang matukoy ang mga salarin. Jan Sinocruz