Mag-inang kawatan sa paaralan sa Cagayan, huli!

Mag-inang kawatan sa paaralan sa Cagayan, huli!

October 15, 2022 @ 4:12 PM 2 months ago


CLAVERIA, CAGAYAN-Tuluyan nang sinampahan ng dalawang kasong robbery ang mag-inang suspek matapos magnakaw ng mga gamit sa dalawang paaralan sa bayan ng Claveria, Cagayan.

Kinilala ang mga suspek na sina Clarita B Cademia, 50-anyos at Ismael Cademia, 20-anyos, kapwa residente ng Brgy. Langagan, Sanchez Mira, Cagayan

Una rito, agad na ipinaalam ni Ginoong Framel Clemar De Peralta, School Principal sa himpilan ng pulisya na mayroong nangyaring insidente ng nakawan sa Claveria West Central Elementary School, Brgy. Centro 1, Claveria, Cagayan kung saan matagumpay na natangay ng mga suspek ang isang DepEd issued laptop matapos nang pwersahang baklasin ang grills ng isang bintana at tanggalin ang mga jalousie blade nito.

Sa pagtugon ng pulisya at sa tulong ng mga barangay officials ay natunton ang mag ina na nagpapahinga sa isang kubo malapit sa palayan sa Barangay Centro 7 sa nasabing bayan.

Narekober mula sa pag-iingat ng mga suspek ang dalawang ng laptop, dalawang laptop charger, isang defective Samsung white cellphone, dalawang defective solar panel, tatlong USB flash drive, isang gunting at isang itak.

Napag-alaman din ng pulisya na noong ika-6 ng Oktubre taong kasalukuyan unang isinagawa ng mag-ina ang panloloob sa Magdalena Elementary School kung saan inakyat umano ng mga ito ang bubungan ng isang classroom at nilagare ang exhaust tunnel sa kisame para gawing pasukan at lagusan. Natangay ng mag ina ang isa pang Dep-Ed issued laptop na pagmamay-ari ng isang guro sa naturang eskwelahan.

Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang mag-inang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon. Rey Velasco