Mag-inang rider lasog sa araro ng Wingvan truck

Mag-inang rider lasog sa araro ng Wingvan truck

January 14, 2023 @ 4:26 PM 2 weeks ago


Bulacan – Kalunos-lunos ang sinapit ng mag-inang lulan ng motorsiklo matapos aksidenteng masagasaan at malasog ng Isuzu Wingvan truck sa bayan ng Pulilan.

Kinilala ang mga biktimang si Anabella Caparoso, 57, may-asawa at Ellamae Caparoso, 23, dalaga, kapwa residente ng Brgy. Gatbuca, Calumpit.

Ang truck driver naman ay kinilalang si Junier Gonzalez, 40, may-asawa at residente ng Brgy. Maguinao, San Rafael.

Sa report ng Pulilan police, nangyari ang insidente bandang alas-11:30 ng umaga nitong Enero 12, sa Pulilan Calumpit National road, Brgy. Tibag, Pulilan.

Ayon sa report, habang tumatakbo papaliko pakanan ang truck papasok sa NLEX Southbound ay hindi napansin umano ang kasabayang motorsiklong Suzuki beat sa kanang linya at aksidenteng nagkasagian ito.

Dahil dito, tumumba ang mga biktimang lulan ng motorsiklo hanggang sa tuluyang pumailalim at nasagasaan ng gulong mula sa kanang likurang bahagi ng truck.

Agad itinakbo ng rescue team ang mga biktimang nagtamo ng malubhang pinsala sa ibat-ibang parte ng katawan sa Good Shepperd Hospital para sa paunang lunas subalit binawian din ng buhay kalaunan.

Sinasabing dinala sa Bulacan Medical Center ang truck driver para sa medico-legal examination at dumaan sa Alcohol Breath test na nahaharap sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon. Dick Mirasol III