MAG-INGAT AT MAGBANTAY  SA COURTESY RESIGNATION

MAG-INGAT AT MAGBANTAY  SA COURTESY RESIGNATION

January 9, 2023 @ 1:58 PM 3 weeks ago


KUNG iisipin, walang katorya-torya ang katanungang “may matitira kaya sa mga may courtesy resignation na mga colonel at general sa Philippine National Police?”

Ito’y dahil sa paniniwala na kung may sasabit man sa kaso sa droga na isa sa pinagmulan ng pagpapa-courtesy resignation, kakaunti lamang ang mga ito.

Sakop umano ng courtesy resignation ang halos 1,000 colonel at general sa PNP.

Pero paano ba susukatin ang pagkakasangkot ng mga colonel at heneral sa droga?

Siyempre pa, mga Bro, kung mapatutunayang adik, pusher, protektor at druglord mismo ang isang colonel at/o general, tiyak siyang masisibak.

Sa ngayon, isinasagawa ang drug test sa nasabing mga opisyal.

Kung mapatutunayan sa drug test na adik o tsumotsongki ang isang colonel o general, malamang na pusher, protektor at kasabwat o druglord na mismo ito.

Swak yan sa kulungan at sibakan sa PNP.

Dito, maaaring kakaunti lang ang matatamaan.

Pero paano kung isasalang sila sa iba pang mga batayan ng pagsusuri para manatili o masibak sila sa tungkulin at empleyo sa pamahalaan?

Halimbawa, ang mga matatagpuang may higit sa isa na asawa, maliban lang sa mga miyembro ng indigenous peoples na pinapayagan ang mahigit sa isang asawa, mananatili o masisibak din kaya sila?

Paano ang mga matatagpuang pabaya sa kanilang mga tungkulin sa droga at iba pang anyo ng krimen?

Paano ang mga nagtatakipan sa mga kaso o naninira ng mga ebidensya o nambubulilyaso sa mga kaso hanggang sa wala nang sumingaw na kabalbalan ng mga may salang colonel at general?

Isa pa, paano ang pakikialam ng mga makapangyarihang politiko o maiimpluwensyang grupo na mahirap tanggihan mismo ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan ukol sa pananatili o pagkasibak ng colonel at general?

Kaya bang tablahin ng mga naatasang mag-imbestiga, magrekomenda, at sa huli, panatilihin o sibakin ang mga ayaw o gusto ng mga makapangyarihan at maiimpluwensiya?

Ang mabuti pa, dahil napasimulan na nga ang nasabing aksyon laban sa mga may kwestiyunableng katatayuan sa PNP, makipag-ugnayan mismo ang mga kinauukulan sa Armed Forces of the Philippines bilang panangga sa anomang masamang ibubunga ng pagpapa-resign na hindi matanggap ng ilan sa sasagasaan ng programa mismo nila Interior Secretary Benhur Abalos at Pangulong Bongbong Marcos.

Alalahaning armadong sangay ng pamahalaan ang mga pulis at hindi naman kasama sa pagpapa-coutesy resignation ang pagdisarma sa mga ito.

Isa pa sa dapat gawin ang mabilis na pagdedesisyon ukol sa katatayuan ng mga pinagre-resign.

Kung wala o may kaunting diperensya sa rekord o sa mga sumbong laban sa isang opisyal, dapat ibalik agad sa serbisyo at kung saan siya nararapat na ipwesto.

Gawin ito para mapanatili ang bisa ng chain of command sa pulisya.

Alalahaning ang epekto ng mas resignation, kahit courtesy lang ‘yan, ay ang kawalan ng klaro at sapat na kapangyarihan ng mga nag-resign upang tumupad ng tungkulin.

Paano na lang kung may gumawa ng hindi maganda na ikagugulo ng PNP organization?

Sino-sino sa mga nag-resign ang agad na tutugon o magkaroon ng tingin sa sarili na kasali pa sila sa pamahalaan?