MAG-INGAT, MGTULUNGAN LAHAT LABAN KAY KARDING

MAG-INGAT, MGTULUNGAN LAHAT LABAN KAY KARDING

September 26, 2022 @ 7:35 PM 2 months ago


HABANG tinitipa natin ito, mga Bro, nananalasa na si Karding sa Polillo Island at lalawigan ng Quezon sa signal na number 5 o mahigit 240 kilometro kada oras ang lakas ng hangin.

Kasama nito ang sobrang lakas ng ulan.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, pagdating ng hapon kahapon hanggang umaga ngayong Lunes, mananalasa si Karding sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Aurora, Rizal, Cavite, Pangasinan at Occidental Mindoro.

Mula Kabikulan hanggang Cagayan ang babagyuhin na sasakupin ng iba’t ibang signal ngunit sesentruhin ng pinakamalakas na hangin at ulan ang nasabing mga lugar sa itaas.

Siyempre pa, sasagasaan ni Karding ang buong Ilocos region din sa paglabas nito sa Pilipinas habang tumatakbo ito sa bilis na 20 kilometro kada oras.

MGA DAM AT LINDOL PAKIRAMDAMAN

Unang nag-anunsyo ang Magat Dam ang kanilang pagbabawas na ng tubig.

Ang Angat dam sa Bulacan na pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila, at maging ang pinakamalaking San Roque dam na matatagpuan sa kabundukan ng Pangasinan, hindi pa nag-aanunsyo ng pagbabawas ngunit maaaring gawin nila ito kung magtatagal ang malalakas na ulan.

Gagawin nila ang pagbabawas upang mailigtas ang mga dam sa posibleng pag-apaw na delikado kung sobra ang laman ng tubig.

Ipanalangin lang natin, mga Bro, na walang lindol na magaganap upang hindi mawasak ang mga ito.

Dahil kung may lindol at may marupok na bahagi ng mga dam na ito, ano na lang ang mangyari kung bubulwak ang hindi masusukat na tubig sa mga ito at sasagasa ang mga baha nila sa mga mamamayan?

IBA PANG MGA PAGKILOS

Nakahanda na ang lahat laban kay Karding.

Lahat ng mga iskul mula elementarya hanggang kolehiyo, pampubliko man at pribado, nagsara na sa buong araw ng Lunes.

Gayundin ang mga korte at mga pribado at pampublikong opisina.

Tanging ang mga pang-emergency na ahensya ng pamahalaan gaya ng mga pulis, sundalo, bumbero at search and rescue group ng mga pribadong kompanya at lokal na pamahalaan ang may nakalaang mga tauhan.

ANG MGA MAMAMAYAN?

Hindi na dapat maghintay ng pasabi ng mga awtoridad ang mga mamamayan na nakatira sa mga delikado o danger areas na daraanan ni Karding na, uulitin natin, sobrang lakas ang hangin at ulan.

Dapat nang sa mga oras na ito, nakaalis na ang mga nakatira sa mga posibleng magibang mga bundok at mabahang lugar.

Dapat nang mga nasa ligtas at evacuation areas ang mga ito at hindi na pahirapan ang mga pwersa ng mga lokal at pambansang pamahalaan para iligtas sila.

Nakahanda na ang pamahalaan, sa totoo lang, sa lahat ng gagawing pagliligtas at pamimigay ng pagkain, gamot at iba pa sa mga magbabakwit.

Naririyan din ang mga civic organization na mamimigay ng ayuda sa mga biktima, ayon sa kakayahan ng mga ito.

Ang pagtutulungan sa lahat ng bagay ng milyon-milyong mamamayan na tatamaan ni Karding ay labis na kinakailangan.

Sa ganitong paraan, madali tayong makabangon lahat makalipas ang unos.