MAG-INGAT NANG TODO SA BOMBA AT HINDI BOMBA

MAG-INGAT NANG TODO SA BOMBA AT HINDI BOMBA

February 6, 2023 @ 1:30 PM 2 months ago


KUNG kailan nagkaroon ng matinding pagbomba sa Pakistan na ikinamatay ng nasa 100 katao at ikinasugat ng mahigit 200 iba pa, nagkaroon naman ng mga pagsabog sa Pilipinas na agad pinagdudahan ng mga mamamayan.

Sa Pakistan, lumitaw na nakasuot ng uniporme ng pulis ang Pakistani Taliban na nagmula sa labas at pumasok sa guwardiyadong gate nang walang tsekpoint dahil nakauniporme nga.

Nagtanong pa umano ang bomber sa mga pulis sa loob kung nasaan ang mosque at itinuro sa kanya ang daan patungo roon.

Mabilis siyang nakarating sa mosque, ipinuwesto ang sarili sa unang linya ng maraming nagdarasal na pulis, sundalo at sibilyan saka nito pinasabog ang bombang dala niya na ikinasabog na rin niya.

12 KILONG TNT

Ang dalang bomba ng bomber?

Nasa 12 kilong bombang TNT o Trinitrotoluene at katumbas ng 30 granada na USM67 na 400 gramo ang timbang bawat isa.

Gamit ang TNT sa paggawa ng mga granada, bala ng baril, bala ng kanyon at bomba.

Mas malakas ang dynamita ng 60 porsyento sa TNT ngunit mas gamit ang huli dahil hindi  basta-basta sumasabog at hindi kasingdelikado kung ibibiyahe ito nang bultuhan at ilalagak nang maramihan sa isang lugar.

Gayunman, hindi magkakalayo ang pinapatay na tao ng dinamita at TNT.

Nang sumabog nga ang bombang TNT sa Pakistan, nagiba ang mosque at ilan sa mga namatay ang hindi tinamaan ng bomba kundi ng mga hollowblock, bakal at sementadong parte ng mosque.

Natagpuan ang ulo ng bomber na humiwalay sa kanyang katawan kinabukasan.

DALAWANG LPG TANK

Dahil nga sa pambobomba sa Pakistan na naganap noong Disyembre 30, nagkaroon tuloy ng panic maging sa Pilipinas dahil sa mga pagsabog naman na naganap sa dalawang lugar dito.

Unang sumabog ang liquefied petroleum gas sa laundry shop malapit lang sa De La Salle University sa Malate, Manila nitong Enero 31 na ikalawang araw ng pambobomba sa Pakistan.

Lima ang unang naiulat na nasugatan subalit naging 20 na ito makaraan at ilang estudyante ng nasabing unibersidad ang nadamay.

Sa Candelaria, Quezon naman, sumabog ang LPG tank sa loob ng fastfood restaurant sa loob ng isang mall nitong Pebrero 3, 2023 na ikinasugat ng lima katao.

Anak ng tokwa, siyempre, para sa mga nasa malalayong lugar, may mga kinabahan at nagsabing “Baka may nambomba!”

Pero makaraan ang ilang minuto o oras, lumabas na sa ating mga pahayagan online, gaya ng Remate online, at mga radio, telebisyon at social media na sumabog palang LPG tank ang mga ito.

Whew! Buti na lang, sabi ng iba.

MAG-INGAT PA RIN

Bomba mang tunay o LPG tank ang mga sumasabog, dapat mag-ingat pa rin ang lahat.

Nakasisira nang labis ang mga ito sa buhay at ari-arian at walang pinipiling tamaan.