MAG-INGAT SA AMOEBA NA KUMAKAIN NG UTAK

MAG-INGAT SA AMOEBA NA KUMAKAIN NG UTAK

July 19, 2022 @ 6:44 PM 3 weeks ago


KAMAMATAY lamang ang isang Amerikano sa United States makaraang kainin ang utak nito ng amoeba.

Hindi pinangalanan ng Missouri Department of Health and Senior Services (DHSS) ang biktima para maprotektahan ito mula sa pakikialam ng sinoman.

Ngunit sinabi ng DHSS na nagkasakit sa Naegleria fowleri ang biktima makaraang mag-swimming ito sa dalampasigan ng Lake of Three Fires State Park sa Taylor county.

Agad na isinara ang nasabing lawa upang mapigilan ang posibleng pagkakasakit mula sa amoeba ng mga naliligo rito at habang nag-iimbestiga na rin ang mga awtoridad.

Tinatalakay natin ito, mga Bro, dahil marami ang nagkakasakit na dala ng amoeba at gusto nating malaman mula sa mga awtoridad ng Pilipinas kung gaano na karami ang namatay dahil sa amoeba.

Ang mga nagkakasakit ay marami ngunit ilan na ba talaga ang namamatay dahil dito, lalo na sa Naegleria fowleri at maging sa Acanthamoeba na matindi rin sa pagsira sa utak ng tao?

MGA NAMAMATAY

Kung amoebiasis ang usapan, may namamatay na aabot sa 40,000 hanggang 110,000 kada taon sa buong mundo.

Ang amoebiasis ay karaniwang sa tiyan tumatama at dito madalas ang pagdudumi na umaabot sa may kasama nang dugo at kung hindi maagapan at magamot, nagdudulot ito ng kamatayan.

Pero sa Naegleria fowleri at Acanthamoeba?

Sa Acanthamoeba, naiimpeksyon ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga mata at madalas na kaso rito ang mga gumagamit ng contact lens.

Pumapasok ang amoeba sa utak hanggang sa magkaroon ang biktima ng meningoencephalitis na ikamamatay niya.

Ngunit bibihira umano ang namamatay rito.

Pero sa Naegleria fowleri, anak ng tokwa, sa bawat 100 na tinatamaan nito, tatlo lang ang nakaliligtas at siyempre pa, 97 ang namamatay.

Ganyang kabagsik ang Naegleria fowleri na ito at mahigit 164 na ang patay sa United States ayon sa Centers for Disease Control.

Ang ibang patay nasa Mexico at iba pang bansa.

NAEGLERIA FOWLERI, ACANTHAMOEBA, NAEGLERIA AUSTRALIENSIS SA PINAS

Sa Pinas, mga Bro, may natagpuan noon na Naegleria Fowleri sa Taal Lake ngunit walang nakaaalam kung kumalat ito o hindi.

Sa Laguna Lake, merong Naegleria Australiensis na sumisira rin sa utak habang sa 7 Crater Lakes sa Laguna, meron namang Acanthamoeba.

Pareho ang Naegleria Australiensis at Acanthamoeba na hindi kasimbagsik ng Naegleria Fowleri ngunit nakamamatay pa rin.

PAG-IINGAT

Ayon sa mga pag-aaral, hindi nabubuhay ang mga nasabing uri ng amoeba sa malalamig, malilinis at may sapat na chlorine na tubig.

Pero nabubuhay ang mga ito sa mga maiinit o maliligamgam na tubig na may mga dumi gaya ng Laguna Lake, Seven Crater Lakes at Taal Lake at maging sa mga kanal ng irigasyon, ilog, swimming pool at iba pa.

Pangunahing pinapasukan ng Naegleria Fowleri ang ilong at madaling makapunta sa utak.

Kaya naman, dapat umanong takpan ang ilong habang nagsu-swimming sa mga katulad ng mga nabanggit na katubigan sa Pinas.

Pinakamaganda na mag-ingat laban sa mga nasabing amoeba at sa iba pang uri na rin ng amoeba.

Kapag nagkaroon ng mga sintomas gaya ng madalas na pagtatae, pananakit ng ulo at iba pa, magpatingin na agad upang mailayo tayo sa disgrasya at kamatayan.