MAG-INGAT SA ONLINE SHOPPING  

MAG-INGAT SA ONLINE SHOPPING  

December 8, 2022 @ 1:57 AM 2 months ago


SA makabagong teknolohiya, hindi pa rin natin masasabing ligtas tayong lahat at ang ating pera sa pagbili ng anoman sa online shopping. 

Bunga ng   kabi-kabilang reklamo ukol online shopping, mukhang nangangapa pa ang mga service provider kung papaano poprotektahan ang mga konsyumer. 

Isang halimbawa na lamang ang kaso ng isang teacher sa Camarines Norte na  umorder ng cellphone na nagkakahalaga ng P15K, pero pagbukas ng kahon ay bato pala ang laman.

Kalaunan, naibalik din ang pera matapos ang pagpapa-blotter. Paano na lang kung hindi naibalik ang pera? Nahuli kaya at nakasuhan ang online seller? Ano kaya ang naging aksiyon ng service provider dito?

Sa aspeto ng safety and health, kakampi kaya natin ang mga online shopping service provider sa pagsuri sa mga ibinebentang electrical appliances, vape products, beauty products, pagkain at iba pa ng mga seller? 

Aba, dear readers, paki-check po yung mga Christmas lights po natin na inorder sa  kanila at baka kaya mura ‘yan eh dahil palyado o depektibo na maaaring pagsimulan ng sunog.

Hindi puwedeng kung ano-ano na lang ang ibinebenta sa online shopping.

May cyber crime law, Consumer Act, rules ng Department of Trade and Industry, Bureau of Food and Drugs at iba pa na dapat sundin.

Kailangang siguruhin ng mga service provider at seller na magiging ligtas ang mga konsyumer.  

Totoong may reponsibilidad ang konsyumer sa bawat pag-order sa online shopping pero hindi maling isipin na mas malaki ang responsibilidad at may pananagutan ang bawat seller at online shopping service provider sa pagbebenta at paghahatid ng kanilang produkto sa bawat konsyumer.

Sa tingin ng marami, kailangang pangunahan ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang pag-aksiyon sa isyung ito, lalong-lalo na ng DTI.

∞∞∞

Pagbati para sa mga taga Brgy. Market View, Lucena City, Quezon sa kanilang pagkapanalo bilang National Grand Winner (Highly Urbanized City Category) for 2022 Lupong Tagapamayapa Incentive Awards na ginanap sa Manila Hotel noong Nov. 28, 2022. Tinanggap ni Brgy. Market View Chairman Hon. Edwin Napule,  aking pinsan,  ang award kasama sina Lucena City Hon. Mayor Mark Don Victor Benitez Alcala, Engr. Danilo Nobleza – City Director (DILG-Lucena City), Mr. Don Abrazaldo -Division Chief, Local Government Monitoring and Evaluation Division Region 4A at mga kasamang Lupon. Mabuhay po kayong lahat.