MAG-INGAT SA PAGBILI O PAGSALO NG SASAKYAN

MAG-INGAT SA PAGBILI O PAGSALO NG SASAKYAN

January 18, 2023 @ 10:27 AM 3 weeks ago


ISA sa mga lumapit sa Lawyers for Commuters Safety and Protection para magpatulong ay may kakaibang karanasan sa pagbili ng sasakyan.

Naghangad na bumili ang biktima ng sasakyan at sa isang sikat na on-line market siya tumingin. Nang may nakursunadahan ay nakipagkita siya sa seller.

Isang Montero na halos P1 milyon ang halaga ang ipinakita sa kanya sa parking lot ng isang sikat na mall. Hindi gaanong bihasa sa pag-inspect at pagbusisi ng dokumento ang biktima kaya lalong madali na nakumbinsi ng seller. Maliban sa sasakyan ay pinakita sa kanya ang isang blankong deed of sale na pirmado umano ng registered owner at ang OR/CR.

Kinabukasan ay nagkita ang biktima at seller sa bangko at cash na binayaran ang sasakyan. Noong unang taon na pinarehistro ng biktima sa Land Transportation Office ang sasakyan. Narehistro naman ang sasakyan subalit sa ikalawang taon ay sinabi ng LTO Na hindi tugma ang plate number sa sasakyan.

Nairehistro na raw ang sasakyan na may ganoong plate number sa ibang LTO office kaya kaagad na in-impound ang nasabing Montero dahilan upang magulat ang biktima.

Cannot be reached ang seller kapag tinatawagan subalit sa tulong ng LCSP volunteers ay natukoy ang registered owner ng Montero na nagulat dahil napeke ang kanyang pirma sa deed of sale.

Ayon sa owner ng Montero, matagal na niyang isinuko sa bangko ang Montero dahil hindi niya kayang bayaran.
Kung naisuko na sa bangko paano ito napunta sa seller? At paano na iba ang plate number? Paano narehistro sa LTO noong unang pinarehistro ito?
Sinulatan na ng LCSP ang bangko upang malaman nila na ang na isang sasakyan na isinuko sa kanila ay nailabas at naibenta na may pekeng plate number.
Isang paalala ng LCSP – mag-ingat sa pagbili ng sasakyan lalo kung pasalo ito at lalo kung hindi alam ng bangko ang transaction.
Huwag magtiwala basta-basta na nag-a-ahente at wala ang registered owner. Ipa-verify sa LTO ang status ng sasakyan. Kung hindi pa fully paid sa bangko ay lalong mag-ingat. May mga lumapit din sa LCSP na yung nakabili ay kinasuhan pa ng carnapping.

Makikipag-ugnayan ang LCSP sa transport agencies tungkol sa modus na ito.
Sinoman pong may mapait na karanasan na tulad nito ay maari pong lumapit sa LCSP sa #97C Matatag st, Piñahan Quezon City (malapit lang ito sa SSS building sa East Avenue, Quezon City).

==========================================================
Atty. Ariel Inton
President, Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)
0178174748