MAG-INGAT SA SUNOG, PAGSABOG SA NEW YEAR

MAG-INGAT SA SUNOG, PAGSABOG SA NEW YEAR

December 28, 2022 @ 1:20 PM 1 month ago


GRABENG pinsala ang iyong aabutin kung masunugan ka.

Kung hindi ka mamatay, masisira ang lahat ng iyong pinaghirapan.

O maaaring mamatay o mabalda ka na, masisira pa ang lahat ng iyong ari-arian.

Sabi nga ng iba, mga Bro, manakawan ka na ng 100 beses, huwag ka lang masunugan.

BAGYO VS SUNOG

Parehong matinding kasiraan sa tao at ari-arian ang bagyo at sunog.

Sa bagyo, pwedeng mawasak ang iyong tahanan ngunit pupwede mong buuin muli ito bagama’t may mapapalitan o mare-repair o mapapalitan na bahagi o partes.

Pero kapag nasunog iyon, kailangan mong gibain ang natitira, itapon lahat ng naabo at pawang mga bagong gamit ang muli mong gamitin sa pagtatayo.

Sa baha na dala ng bagyo, pwede kang mabuhay makaraan kang malunod.

Pero kapag natusta ka sa sunog, sa palagay mo ba’y mabubuhay ka pa o kung mabuhay ka man, mabubuhay ka ba nang normal?

Kapag nasiraan ka ng pananim sa bagyo at baha, maaari pa ring tumubo at iyong mapakikinabangan ang nasira.

Subalit sa sunog, masisirra at mawawala lahat.

Ganyan katindi ang kasiraan sa sunog.

MALALAGIM NA SUNOG

Kaya naman, dapat mag-ingat tayo lahat sa sunog.

Nitong nakaraang mga araw, may namatay na 8 miyembro ng pamilya sa Muntinlupa City matapos silang mag-Simbang Gabi.

Kung ano ang dahilan ng sunog, wala pang nakatitiyak.

Nitong nagdaang mga araw lamang at ilang oras lang matapos ang araw ng Pasko, may 100 bahay naman ang nasunog na ikinawalan ng masisilungan ng nasa 160 katao sa Paranaque City.

May mga nasaktan din ngunit maswerteng hindi nasawi.

Hangga’t maaari, hindi na masundan pa ang mga sunog na ito.

TODONG PAG-IINGAT

Subalit naririyan ang malaking panganib na magmumula sa selebrasyon ng Bagong Taon.

Marami ang lilipad na kwitis, sasabog na mga paputok, pulbura at iba pa.

Maaaring pagmulan ang mga ito ng sunog.

Pero hindi lang sunog ang dala ng mga pampasabog na ito.

Maramihang kamatayan at kasiraan.

Maalala pa ba ninyo ang sumabog na pabrika ng paputok sa Trece Martirez, Cavite noong 2009 na ikinamatay ng 8 tao at ikinasugat ng 70 katao?

Hindi na rin mabilang ang mga sunog at pagsabog sa mga tindahan at pagawaan ng mga paputok sa mga bayan ng Bocaue at Sta. Maria, Bulacan.

At ayon sa mga mapagkakatiwalaang source, mga Bro, hindi idinideklara ang tunay na bilang ng mga namamatay sa mga sunog at pagsabog upang hindi magsara ang mga pagawaan at tindahan ng paputok.

SUMUNOD SA MGA PATAKARAN

Walang pinakamagandang gawin upang makaligtas tayo sa mga sunog at pagsabog sa darating na Bagong Taon kundi sumunod sa mga patakaran.

May patakaran sa paggawa, pag-uuri ng mga paputok, pagtitinda, pagbibiyahe, pagpapaputok ng tamang tao at lugar, at iba pa.

Makinig lang sa mga payo at alintuntuning inilalatag at pinaiiral ng mga pulis, bumbero at iba pa at magiging ligtas tayo sa mga sunog at pagsabog ngayong Bagong Taon.