Mag-utol na tulak, timbog sa buy-bust

Mag-utol na tulak, timbog sa buy-bust

July 25, 2018 @ 3:49 PM 5 years ago


 

Malabon City – Isang magkapatid na mga hinihinalang  tulak ng iligal na droga  ang naaresto sa sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis kaninang madaling araw sa Malabon City.

 

Kinilala ni Malabon police chief Sr. Supt. Harry Espela ang mga magkapatid na sina Christopher Donacao alyas “Nonong” at Henny, 32, kapwa residente sa Caloocan City.

 

Lumabas sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Jerry Basungit, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ng mga suspek.

 

Agad ikasa ng pinagsamang mga operatiba ng SDEU at PDEA-Camanava ang anti-illegal drug buy-bust operation kontra sa mga suspek sa kahabaan ng Lapu-Lapu Avenue corner Dagat-Dagatan Avenue, Brgy. Longos pasado alas 4:50 ng madaling araw.

 

Nang iabot na ng mga suspek ang isang plastic sachet ng shabu sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng marked money ay agad sinunggaban ang mga ito.

 

Narekober sa mga suspek ang limang heat sealed transparent plastic sachet ng hindi pa matukoy na dami at halaga ng hinihinalang shabu at buy-bust money. (Roger Panizal)