Magagandang bunga ng ‘anti-tambay’ rule

Magagandang bunga ng ‘anti-tambay’ rule

July 6, 2018 @ 7:38 PM 5 years ago


Sa kabila ng maingay na paglalarawan ng mga taga-human rights na masama at labag daw sa batas at Konstitusyon ang anti-tambay na patakaran ng administrasyong Duterte, napakarami naman ang pumapabor dito.

Mga magulang, asawa, nagtatrabaho sa gabi, local government unit, motorista, nars, doktor at iba pa.

PASAWAY

“Nakatutulog na kami nang mahimbing, nawala na ang mga pag-aalala namin sa mga batang ‘yan.”

“Umuuwi na sila sa tamang oras, hindi na kami gumagastos pa ng pag-arkila ng traysikel para hanapin sila sa mga tambayan.”

“Hindi na kami gumagastos o ninanakawan ng pang-computer games.”

“Dito sa Quezon City, hindi na kami nag-aalala sa pagmumulta kung nahuhuli sa tambayan at lumalabag sa curfew hours o pandisiplinang patakaran ang mga bata.”

“Anti-droga rin pala ang tambay at nakapag-aaral na ang mga anak ko. ‘Yung nag-iisa kong dalagita, maaaring hindi mabuntis nang maaga katulad ng maraming tambay na kaedad niya.”

Ito ang ilan sa mga sinasabi ng mga magulang na bunga ng patakarang anti-ambay.

KRIMEN

Sa paglilibot ng Remate sa mga 24-oras na tindahan, naobserbahan naman nito ang malalaking pagbabago.

Ayon sa mga tindero at tindera, nawala ang mga tambay na magdamag sa paligid.

Wala nang nanghaharang sa mga bumibili at humihingi ng kung ano-ano pagkatapos ay ipinangka-cara y cruz lang naman.

Nawala rin ang mga pilit na naniningil ng kung ano-ano sa mga may sasakyan na kostumer at binabasag o binabali ang mga side mirror o kumakayod ng pako o tansan sa mga body ng sasakyan kung hindi mapagbigyan.

Nawala rin ang mga mandurukot sa mga kostumer o salisi sa loob ng tindahan.

Bagama’t kasamang nawawala ang mga umiinom ng beer o nagsa-shot ng hard liquor, napalitan naman ito ng hindi pagkawala ng mga paninda sa loob ng mga tindahan.

NAMBABATO NG SASAKYAN

Maraming barangay ang may problema sa mga nambabato sa mga sasakyan.

May ilang barangay na nagsasabing hindi lumilipas ang isang linggo na walang nagrereklamo laban sa mga nambabato na ikinababasag ng mga windshield at iba pang may salaming bahagi ng mga sasakyan.

Bagama’t gumaan ang problemang ito sa giyera sa droga, nagsibalikan ang mga may gawa nito nang alisin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis sa giyera at ipinaubaya lahat sa Philippine Drug Enforcement Agency.

Muling nabawasan ang mga mambabato nang bumalik ang mga pulis sa giyera.

Subalit marami talaga ang may matitigas ang ulo at ito ngayon ang tinamaan ng anti-ambay na patakaran.

Perwisyo umano ang mga mambabato dahil bukod sa oras na iyong gugulin sa pasasampa ng reklamo, gagastos ka pa ng mahal sa pagpapalit ng mga salamin.

Malas mo menor-de-edad ang nambato.

NAKAPAGPAHINGA

Ayon sa mga barangay tanod, nakapagpahinga na sila nang malaki ngayong pinaiiral ang anti-tambay na patakaran.

Dati-rati, dalawa o tatlong ikot sila sa buong barangay upang magpatrulya sa gabi.

Hindi kasi sapat umano ang patrulya ng mga pulis dahil may mga sumisingit talaga na mga magnanakaw o holdaper o akyat-bahay.

Malaki rin umano ang ikinabawas ng mga away ng mga adik o tambay na pumupuno sa kamay ng mga tanod at opisyal ng barangay para lutasin at ikinabawas din ng gastos nila sa gasolina at diesel para sa patrol car.

ANTI-TRAPIK

Dahil sa bigat ng trapik kung umulan, may disgrasya, may nasiraan o dagsa ang mga malalaking cargo truck, humahanap ng daanan ang mga motorista, maging ang mga pampublikong sasakyan, ng kanilang malulusutan.

Lalo na kung may abiso sa mga may sasakyan na humanap ang mga ito ng mga rutang medyo magaan sa trapiko.

Anak ng tokwa, naririyan ang mga tambay na hindi man lang tumitinag kahit nagsisikip ang trapiko.

Sa ilang barangay, may nanadya pa ngang magpasagi sa mga sasakyan para magkapera mula sa mga tsuper o may sasakyan.

Kasalanan pa ng mga motorista ang magawi sa lugar ng mga tambay at kung pumalag ka, naririyan ang kukuyugin ka, sabay ng pagnanakaw sa iyong sasakyan o paghablot sa iyong alahas sa katawan.

AMBULANSYA

Malaki rin ang ibinawas ng mga itinatakbo ng ambulansya kahit sa disoras ng gabi.

Marami kasing kasong krimen ang nililikha ng mga tambay na lasing, magnanakaw, akyat-bahay, agaw-cellphone, nananakit at iba pa.

Ang mga nasasaktan, nasasaksak, napapalo ng dos por dos, nababaril ng mga tambay na inosente o sa kanilang mga rambulan ay malaki ang ibinawas.

Tanging ang mga maysakit, nadidisgrasya at katulad ng mga ito ang itinatakbo ng mga ambulansya.

Katulad ng karanasan ng mga barangay tanod sa matipid na pagpapatrulya, ganito na rin katipid sa gasolina at diesel ang mga ambulansya.

Nakapagpapahinga na rin nang maayos ang mga tsuper ng ambulansya, nars at doctor, lalo na ang mga nasa pampublikong ospital na grabe ang puyat at pagod dahil sa rami ng mga biktima ng krimen na likha ng mga tambay.

Aprub ang ULTIMATUM sa giyera sa tambay. – ULTIMATUM NI ANTIPORDA