MAGANDANG BUHAY NG PINOY INAASAHAN 

MAGANDANG BUHAY NG PINOY INAASAHAN 

September 21, 2022 @ 7:06 PM 4 days ago


MALAKI ang paniniwala ng 46 porsyentong kababayan na aangat ang kanilang kasulukuyang lugmok na kalagayan sa darating na araw kung pagbabatayan ang inilabas na survey ng SWS kamakailan.

 

Bagaman halos hindi nagkakalayo sa naturang datos ang naniniwalang walang pagbabagong inaasahan sa susunod na mga araw subalit malaki umano ang bilang ng mga grumadweyt sa kolehiyo na magkakaroon ng bagong pag-asa sa buhay nila sa pamamagitan ng magagandang trabahong naghihintay sa kanilang tuluyan nang mag-aangat sa buhay ng pamilya nito.

 

Maaaring tugma ang survey sa sentro ng programa ni PBBM kung saan pagpapalakas ng negosyo sa bansa sa pamamagitan ng pag-imbita sa mga lokal at dayuhang negosyanteng sadyang magbubukas ng libo-libong trabaho sa sambayanan lalo na sa mga kompanyang hindi lang mga gradweyt ang makikinabang kundi ang nakararaming kababayang nawalan ng mapagkikitaan noong sumabog ang pandemya.

 

Sila ‘yung waiter sa mga resto,ordinaryong manggagawa sa mga kompanya at taga deliver ng mga order sa maliliit na fastfood chains na inaasahang maibabalik ang kita sa darating na mga araw.

 

Ito ang pangunahing dahilan ni PBBM ng kanyang pagkumbinsi sa mga dayuhang kompanya nang bumiyahe at bumisista sa Indonesia, Singapore at Amerika kung saan bukambibig ang paghikayat niya sa mga ito na palakasin pa ang kanilang negosyo sa ‘Pinas.

 

Hindi ba’t ang mababang unemployment rate ang hudyat ng unti-unting pagbangon ng ekonomiya sa bansa kasabay din ng food security na prayoridad ng kasalukuyang administrasyong tutugon ng kahirapan na nararanasan pa rin ng taumbayan?

 

Ngunit kailangang tutukan naman ng otoridad ang pagtaas ng krimeng pinaniniwalaang malaking balakid sa mga mamumuhunan dito na sadyang iniisip ang seguridad ng mga negosyo nila laban sa masasamang elementong noon pa man ay naghahasik na ng karahasang hindi magandang pangitain lalo na sa mga dayuhang negosyante.

 

Anomang puna o reaksyon itex sa 09999398537/email [email protected]