MAGANDANG TULUNGAN NG EHEKUTIBO AT KONGRESO

MAGANDANG TULUNGAN NG EHEKUTIBO AT KONGRESO

June 2, 2022 @ 11:07 AM 3 weeks ago


KAMAKALAWA, nakipagkita at nakipagpulong sina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga lider ng Kongreso na sina Senate Majority Leader Miguel Zubiri at House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez.

Isinagawa ang pulong sagitna ng courtesy call nina Sen. Zubiri at Cong. Romualdez kay President-elect Marcos para maging maayos ang tambalan ng Ehekutibo at Kongreso at alamin na rin ang mga batas na isusulong ng dalawang sangay ng pamahalaan para sa susunod na administrasyon ni President-elect Marcos.

Sinamahan si Sen. Zubiri nina Sen. Nancy Binay, Ronald Dela Rosa, Jose Victor “JV” Ejercito, Jose “Jinggoy” Estrada, Lito Lapid, Loren Legarda, Ralph Recto, Ramon “Bong” Revilla at Raffy Tulfo.

MAAGAP NA PAMAMAHALA

Paliwanag ni Sen. Zubiri, tuloy-tuloy ang pag-uusap nila ng President-elect at ninanais nitong ngayon pa lang ay may mga nakahanda nang mga usapin na dapat isalang bilang mga panukalang batas at magiging laman na rin ng State of the Nation Address na ihahayag ng huli sa ika-4 na Lunes ng buwan ng Hulyo 2022.

Hindi man malinaw kung ano-ano ang mga nilalaman ng mga napag-usapan, tiyak na maisasama ang mga pangako ng President-elect noong nangangampanya pa siya.

Bahagi ng mga pangako niya ang pagpapatuloy ng mga magagandang naiwang programa ng kasalukuyang administrasyon ni Panguong Rodrigo Duterte gaya ng Build, Build, Build at giyera sa droga.

Mayroon ding sariling pangako ang President-elect na kapaki-pakinabang sa lahat ng mamamayan gaya ng murang bigas habang hindi nito pababayaan ang mga magsasaka at iba pang mga nasa hanay ng agrikultura.

Matutunghayan din ang pangarap para sa sambayanang Pilipino ni President-elect batay sa mga pinipili nitong mga pinuno ng mga departamento para sa mga local affair ng bansa, pakikipag-ugnayan sa ibang bansa at pangangalaga sa mga overseas Filipono worker.

Ang pagtatalaga, halimbawa, kay Vice President-elect Sara Duterte-Carpio ay palatandaan kung paano pinahahalagahan nang todo ng President-elect ang edukasyon ng bansa na siyang may pinakamalaking pondo mula sa pambansang badyet, ayon na rin sa Konstitusyong 1987.

Naririyan ang napakahalagang pagsusulong ng President-elect ng pagkakaisa at pagtutulungan sa lahat ng bagay na pundasyon upang makaahon tayo sa pandemya at makamit natin ang kaunlaran at kalidad ng buhay na ninanais at pinapangarap nating lahat.

HINDI MABIBIGO ANG BAGONG GOBYERNO

Mula sa nasabing pagpupulong na kinakitaan ng pagkakaisa at pagtutulungan, hindi mabibigo ang gobyerno sa mga nais nitong pagpapatuloy ng magagandang nakaraan at pagkakaroon ng mga bagong inisyatiba para sa lahat.

May mga pwersang nagnanais na harangin ang lahat ng magagandang pangarap at pagkilos para matupad ang mga ito.

Subalit kung samahan ng mga mamamayan ang bagong pamahalaan sa pag-iisip at pagkilos tungo sa bago at maaliwalas na kalagayan, walang magagawa kundi mabibigo lamang ang mga manghaharang at walang iniisip kundi mga pansarili nilang interes at hindi interes ng buong sambayanan.