MAGANDANG USAPAN SA ESKWELA NGAYON

MAGANDANG USAPAN SA ESKWELA NGAYON

July 21, 2022 @ 10:01 PM 4 weeks ago


HIGIT na maganda ang patakaran ngayon sa mga pampublikong eskwela na sakop ng Department of Education sa ilalim ni Vice President Sara Duterte-Carpio.

Naririyan, halimbawa, ang hindi na pagpapasuot ng uniporme sa mga estudyante.

Ang totoo rito, mahal ang pagpapagawa ng mga uniporme na maaaring may dalawang kulay sa loob ng isang linggo.

‘Yun bang === karaniwang iba sa araw ng Biyernes ang isinusuot ng mga bata kumpara sa iisang kulay mula sa Lunes hanggang Huwebes.

Mapababae o lalaki, maaaring gagastos ang mga bata sa high school ng nasa P5,000, kasama na ang mga sapatos, bagama’t mas maliit nang kaunti para sa mga Kinder hanggang Grade 7.

Tama lang ang patakarang walang uniporme lalo ngayong malawakan ang paghihirap at hindi pa talaga nakababangon ang mga pamilya mula rito.

Kung ano ang nasa kamay o sa tahanang damit ng mga bata, ‘yun na rin ang kanilang isusuot sa pagpasok.

Basta turuan o tiyakin lang ng mga magulang at mga bata mismo na malinis ang kanilang mga damit pagpasok nila.

PWEDE BANG TSINELAS LANG?

Karaniwan nang pinagsasapatos ang mga bata.

Pero pupwede bang magsuot ng tsinelas ang batang inaagawan ng sapatos ng pagkain at iba pang mga batayang pangangailangan?

Nasasabi natin ito, mga Bro, dahil sa pagbibigay natin ng kahit mga kaunting ayuda sa mahihirap na komunidad, ang tsinelas ay pinag-aagawan.

Napakarami pala ang mga walang maisuot na tsinelas dahil sa kahirapan.

Eh ‘di lalong wala silang maisuot na sapatos dahil kung nasa P50-75 lang ang isang pares ng tsinelas, aba, nasa P300-P500 ang isang pares ng sapatos.

Malaking kabawasan ang P300-P500 sa mga magulang na kumikita lang ng nasa P100 isang araw bilang mga tindera sa mga pwesto sa mga pampublikong palengke at maging sa mga nanlalabasan ng mga traysikel.

Ngunit pwede nilang ipikit ang kanilang mga mata sa pagbili ng tsinelas para sa kanilang mga anak na pumapasok sa eskwela.

MGA GURO AYUDAHAN DIN

Sa ngayon, nasa Salary Grade 11 ang karamihan sa mga titser at sumasahod sila ng P25,000 kada buwan.

May mga nagsusulong na itaas nang husto ang sahod ng mga ito sa dagdag na P10,000 sa loob ng isang buwan.

Kapag naipatong ‘yang P10,000, maging P35,000 na ang pinakamababang sahod para sa kanila.

Sa kabilang banda, may nagsusulong naman ng pagpantay ng sahod ng mga titser sa mga pulis, bumbero, sundalo na nasa P30,000 kada buwan.

Ano kaya ang pupwedeng gawing sahod ng mga guro batay sa nasabing mga usapan na sahod sa kanilang hanay at mga pulis at iba pa?

Sa gitna nito, naririyan ang higit na pagkakadapa ng higit na nakararami sa kahirapan dahil sa pandemya.

Kung may isang milyong guro sa mga pampublikong paaralan, sinasabing umaabot naman sa nasa 70-80 milyon ngayon ang talagang kapos sa buhay at dito nabibilang ang mga bata na hindi kinakailangang magsuot ng uniporme para makabawas sa gastusin.

Paano nga kaya pagtugmain ang isipan ng mga guro at pamunuan ng DepEd na parehong mahalaga sa edukasyon?