Magastos na Con-Con sa Kongreso, tablado sa Senado

Magastos na Con-Con sa Kongreso, tablado sa Senado

March 1, 2023 @ 10:20 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inayawan ng ilang senador ang panukala sa Mababang Kapulungan na amyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng constitutional convention dahil masyadong malaki ang gagastusin ng pamahalaan.

Inaprubahan nitong Lunes ng House committee on constitutional amendments ang panukalang maghalal ng 253 miyembro ng con-con delegates kasabay sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 30.

Itatalaga naman ng Senate President at House Speaker ang 51 delegado mula sa iba’t-ibang sektor na bibigyan ng tig-P10,000 kada araw ng sahod kapag dumalo sa kumbensyon.

Ayon kay Senador Robin Padilla, natutuwa siyang umuusad ang panukala sa Mababang Kapulungan pero nag-aalala ito sa halaga ng paghalal at pagpupulong sa Con-Con.

“Una papayag ba taumbayan diyan napakamahal niyan? Sobrang mahal niyan,” ani Padilla. “Naglabas ang NEDA, eleksyon pa lang ₱28 billion na, wala pa yung gastos sa pasweldo ng Con-Con delegates, opisina nila, syempre meron din yan. Malaki yan,ā€ ayon kay Padilla, chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.

“Sa akin doon muna tayo sa pinakamatipid,” dagdag pa ng senador. “Di natin masyadong isa-shock ang taumbayan, eleksyon na naman? May election na ang barangay, may election na naman sa Con-Con, para tayong laging nag-e-election,ā€ dagdag ng mambabatas.

Gusto ni Padilla na gawing constituent assembly ang Kongreso na magiging miyembro ang mambabatas sa dalawang kapulungan. Pero, giit ng ilang senador, dapat hiwalay na boboto ang Mataas na Kapulungan.

Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Finance, na pinakamagastos at masyadong maraming trabaho ang pamamaraan ng Con-Con sa pagbabago ng Saligang Batas.

“Masyadong mataas ang pinapanukalang ₱10,000 na suweldo kada araw ng mga delegado,ā€ aniya.

Iginiit naman ni Senador Risa Hontiveros na maisasantabi ng anumang uri ng pagbabago sa Saligang Batas ang mga mahahalagang isyung bumabalot sa bansa tulad ng inflation, kawalan ng trabaho, mataas na halaga ng bilihin, smuggling ng produktong agrikultural at iba pa.

“Redirecting large amounts of our limited resources to Charter change at this time will just do more damage,ā€ ayon kay Hontiveros.

Kasabay nito, nanawagan si Padilla sa mambabatas sa Mababang Kapulungan na ituon ang amyenda sa economic provision upang magkaroon ng tiyansa na makapasa ang panukala sa 19th Congress.

Pero, sinabi naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, na mayroon nang tatlong naisabatas na panukalang tutugon sa pagbabangon ng ekonomiya.

“We have to give these laws a chance to work,” na tumutukoy sa Public Service Act, Retail Trade Liberalization Act, at Foreign Investment Act.

Ayon naman kay Senador Nancy Binay, dapat pagtuunan ng pamahalaan ang implementasyon ng naturang batas kaysa isulong ang charter change. Ernie Reyes